Batas ng ibang bansa ukol sa diborsiyo, kailangang patunayan rin sa Pilipinas

Dear Attorney,

Nakipag-divorce na po ako sa asawa kong foreigner sa Japan. Ang divorce decree lamang po ba ang kailangan ko para kilalanin ang aking divorce dito sa Pilipinas? —Melanie

Dear Melanie,

Kikilalanin lamang ang divorce decree na nakuha sa ibang bansa matapos ang pag-file ng tinatawag na petition for judicial recognition sa korte, na kukumpirma at magpa­patupad ng nasabing divorce decree dito sa ating bansa.

Hindi rin basta-basta ang proseso ng korte sa pagkilala ng mga divorce decree na inisyu sa ibang bansa. Kailangan kasing ipresenta hindi lamang ang mismong divorce decree, kundi pati na rin ang batas ukol sa diborsiyo ng bansa kung saan inisyu ang divorce decree.

Dapat ipresenta ang batas ukol sa diborsiyo ng nasabing bansa bilang patunay na naaayon sa batas doon ang pag-iisyu ng divorce decree na layon mong kilalanin dito sa Pilipinas.

Kaya kung balak mong mag-file ng petisyon para kilalanin ang diborsiyong nakuha mo sa ibang bansa, asikasuhin mo na ang pagkuha ng kopya ng batas ukol sa diborsiyo ng bansang nag-isyu ng inyong divorce decree. Kailangan mo rin itong ipa-authenticate sa mga opisyal ng ating embassy o consulate doon.

Kung sakali kasing nag-file ka ng petisyon para kilalanin ang divorce decree mo at hindi mo na ipresenta sa korte ang batas ng bansa kung saan mo nakuha ang nasabing divorce decree, susundin ng korte ang tinatawag na processual presumption, kung saan ipagpapalagay ng korte na ang batas ng bansang nag-isyu ng divorce decree ay kapareho lamang ng batas ng Pilipinas. Dahil wala namang diborsyo sa Pilipinas, mababasura lamang ang isinampa mong petisyon sa korte.

Show comments