_pang-masa
^

Mag-ingat sa pagbili ng gamit na maaring nakaw

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos (Pang-masa) - May 13, 2021 - 12:00am

Dear Attorney,

Maari ba akong makasuhan kapag bumili ako ng laptop na galing pala sa nakaw? Balak ko pa lang pong bilhin yung laptop kaso nagtataka lang po ako dahil lagpas kalahati po ang presyo nito kumpara sa mga mall at hindi po kumpleto ang mga accessories. —Jane

Dear Jane,

Oo, maaring makasuhan ang sinumang bibili ng nakaw na kagamitan dahil sa Presidential Decree 1612 o ang tinatawag na “Anti-Fencing Law” na nagpaparusa hindi lamang sa pagbebenta ng nakaw na kagamitan kundi pati na rin sa pagbili at pagmamay-ari nito.

Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Ong v. People (G.R. No. 190475 April 10, 2013), may apat na elemento ang krimen ng ‘fencing’: (1) ang pagkakaroon ng krimen na robbery o theft; (2) ang pagbili, pagbebenta, o pagtanggap sa anumang paraan ng gamit na nagmula sa naganap na robbery o theft; (3) alam ng akusado o dapat ay alam niya na galing sa nakaw ang gamit na naibenta, nabili o natanggap; at (4) may intensyon na makinabang ang akusado mula sa naging transaksyon.

Sa iyong sitwasyon, hindi mo sigurado kung nakaw ba ang laptop na bibilhin mo ngunit may mga nabanggit ka na kahina-hinala ang presyo nito at ang kawalan nito ng mga accessories na karaniwan ay kasama naman kapag bumibili ka ng laptop.

Maipapayo ko na huwag mo nang ituloy ang balak mong pagbili dahil  ayon sa Section 5  ng PD 1612, ipagpapalagay na may sala ang sinumang may nagmamay-ari ng nakaw na kagamitan. Ayon din sa Ong v. People, ang pagpapalagay na ito na may sala ang buyer ay mas lalong mapagtitibay kung base sa sitwasyon ay dapat naghinala na ang buyer noong binibili pa lang niya ang gamit.

Dahil ngayon pa lang ay may hinala ka na sa pinanggalingan ng laptop mas mainam kung hindi mo na ituloy ang balak mong pagbili nito at baka madamay ka pa sakaling nakaw nga ang laptop at maghabla ang may-ari nito.

THEFT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with