Lalaki sa Japan, inaresto matapos lokohin ang 3 dosenang girlfriends!

INARESTO ang 39-anyos na si Takashi Miyagawa, isang part time worker, sa kasong fraud matapos makipagrelasyon at perahan ang mahigit tatlong dosenang kababaihan sa Kansai region ng Japan!

Sa kasalukuyan, ang mga kababaihan na kanyang nabiktima ay 35 at posibleng dumami pa.

Ayon sa ulat ng isang local news agency sa Kansai region, nakilala ni Miyagawa ang kanyang mga biktima dahil sa pagtitinda ng hydrogen water shower heads mula sa isang multi-level marketing company.

Ang paraan ni Miyagawa sa pagkuha ng pera sa kanyang mga kasintahan ay magpapanggap na malapit na ang kanyang kaarawan at hihingi siya ng regalo o pera mula sa mga ito.

Ngunit sa sobrang dami ng mga babae na kanyang pinagsabay-sabay, nagkakila-kilala na ang mga ito at nagbuo ng “Takashi Miyagawa Victims Association” Facebook group.

Sa FB group na iyon nagkasundo ang lahat na isumbong na sa awtoridad ang panloloko ni Miyagawa.

Ayon sa kalkulasyon ng pulisya, nasa mahi-git 150,000 yen ang halaga ng mga gamit at cash na na-scam ni Miyagawa sa kanyang mga biktima sa loob lamang ng isang taon.

Sa kasalukuyan, nakapiit si Miyagawa sa isang kulu-ngan sa Osaka, Japan at naghihintay kung ano ang magiging hatol sa kanyang krimen.

 

Show comments