^

Final pay sa empleyadong nag-resign, kailan dapat ibigay?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos (Pang-masa) - April 20, 2021 - 12:00am

Dear Attorney,

Mag-iisang taon na po mula nang ako ay mag-resign sa aking dating kompanya pero hanggang ngayon, hindi pa po nila ibinibigay ang final pay ko. Ang laging dahilan po sa akin ay ang kakulangan ng accounting staff na mag-i-issue ng aking clea-rance dahil skeleton workforce lang daw sila ngayon simula nang magka-pandemic. Pinapayagan po ba ng batas ang ganito katagal na pagbibigay ng final pay? —Merryl

Dear Merryl,

Ayon sa Labor Advisory No. 06 Series of 2020, ang final pay ay tumutukoy sa lahat ng sahod o benepisyo na nararapat na matanggap ng isang dating empleyado, anuman ang dahilan ng kanyang pag-alis sa kanyang employer. Malinaw rin na nakasaad sa nasabing Labor Advisory na kailangang mai-release sa empleyado ang kanyang final pay sa loob ng tatlumpung (30) araw matapos ang kanyang pagkakahiwalay mula sa kanyang employer o kompanyang pinagtatrabahuhan.

Ukol sa dahilang ibinibigay sa iyo ng iyong dating kompan­ya, kinikilala naman ng Supreme Court ang karapatan ng mga employer na magtalaga ng rasonableng proseso para sa clea-rance ng mga empleyadong umalis sa kompanya. Kinikilala rin ang karapatan ng employer na sa ipagkait ang final pay ng isang empleyado sakaling may naiwan pa itong utang o obligasyon. Sa ganyang mga pagkakataon ay kakailanganin munang bayaran ng empleyado ang kanyang utang o panagutan ang kanyang obligasyon bago niya matanggap ng buo ang kanyang final pay.

Sa sitwasyon mo, wala ka namang nabanggit na naiwang pagkakautang o obligasyon sa iyong employer na maaring ma-ging dahilan upang ipagkait sa iyo ang final pay mo. Ang tanging dahilan ng hindi pagbibigay ng final pay mo ay ang kakulangan diumano ng tauhan na magpoproseso ng iyong clearance. Ang magandang gawin ay padalhan mo ng demand letter ang iyong dating kompanya kung saan nakasaad ang paniningil mo ng iyong final pay. Bigyan mo ng sapat na panahon ang kompanya upang aksyunan ang demand letter mo.

Kung wala pa ring aksyon sa final pay mo matapos ang taning na ibinigay mo, saka ka na magsampa ng reklamo sa DOLE regional office na may saklaw sa opisinang dati mong pinapasukan.

EMPLOYEE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with