Ben Tulfo, persona non-grata sa Tingloy, Batangas?

MULA pa sa United States, nakaabot sa akin ang balitang ako raw ay ipe-persona non grata ni Tingloy Mayor Lauro Alvarez.

Hindi ko alam kung ano ang kanyang dahilan para pagbawalan akong tumuntong sa Isla ng Tingloy. Hindi ko naman nabalitaang pag-aari na nilang mag-asawa ang isla.

Ipinagmamalaki raw ni Mayor Larry na “malakas daw sila”. Sa katunayan, wala raw nangyari sa sumbong laban sa kanyang misis na kapitana – sa kanyang Social AMELIAration Program.

Oo, naipa-TULFO na nga naman daw sila pero wa epek. Nakaupo pa rin sila sa puwesto.

Isa-isahin natin ulit ang sumbong laban sa mag-asawang Mayor Larry at Kapitana Amelia Alvarez:

Kasagsagan ng lockdown, nagpamigay ng ayuda ang gobyerno sa mamamayang Pilipino. Tinawag itong Social Amelioration Program.

Ang mga walang kakayanan at lubhang apektado ng pandemya, makakatanggap ng cash subsidy mula sa gobyerno.

Etong esmi ni Mayor Alvarez na si Bgy. Captain at ABC President Amelia Alvarez, binago ang programa ng pamahalaan. Tinawag niya itong Social AMELIAration program – lahat daw mabibigyan, walang pipiliin.

Ang makukuhang ayuda, hahatiin at ibibigay sa mga hindi mabibigyan. Ang galing ano?

Kinumpirma ni DILG for Barangay Affairs Usec. Martin Dino, bawal ang ginawang ito ni Kapitana.

Disyembre 2020, nagsampa ng pormal na reklamo ang ilang residente ng Tingloy, Batangas. Ang siste, malutong na halakhak lamang daw ang sinagot ng mag-asawa dahil hindi sila nakasama sa listahan ng mga sinuspinde at sinibak ng DILG.

Kamakailan, reklamong pananakit at pananampal naman ni Mayor Larry ang ipinaabot sa BITAG. Kapag nalaman niyang hindi mo siya ibinoto noong nakaraang halalan, sapak o sampal ang iyong aabutin kapag nagkita kayo sa kalsada.

Makailang beses kitang tinawagan Mayor Larry Alvarez, pero hindi mo sinagot ang aking tawag. Sinayang mo ang pagkakataon na maibigay ang iyong panig at sagutin ang mga reklamo.

Pagkatapos ngayon, ang daldal mo? Sinasarapan ka sa pagyayabang pero kumukuyos naman ang bombolyas mo na kausapin ako?

Kung hindi lang pandemya, matagal na kitang pinuntahan sa munisipyo mo, dala ang BITAG camera para interbyuhin ka.

Ako, ipe-persona non grata mo? Eh di gawin mo!

Mag-antay-antay ka lang ha, mabibilang ka rin sa listahan ng mga mayor na binisita ko ng personal – kung ito talaga ang gusto mo.                                                                                                                                                                                                                                                           

Show comments