Rambo, naholdap ng P200K sa Divisoria!

LUMIPAS na ang holiday season subalit nagngingit-ngit pa sa galit sa mga pulis na malapit kay Manila Mayor Francisco Domagoso si kosang Rambo. Hindi siya ang bida sa pelikulang Rambo mga kosa kundi ang kapatid nating Muslim na gusto lang kumita ng barya nitong nakaraang Kapaskuhan. Kaya naman nagagalit si Rambo ay dahil nagbigay siya ng goodwill na P200,000 sa mga pulis para makapagtinda ng paputok at prutas noong New Year.

Dahil tinanggap ang pitsa niya, aba’y tuwang-tuwa si Rambo dahil madagdagan ang kita n’ya dahil alam naman natin mga kosa ang ugali ng mga Pinoy na magaling palagi sa “last two minutes” sa pamimili ng pang-New Year nila.

Kaya lang, ang sobrang tuwa ni Rambo ay napalitan ng hinagpis, lungkot at galit dahil kahit nakatimbre na s’ya, hinuli at kinumpiska pa ang paninda n’ya kinagabihan at sinabihan na bawal na siyang maglatag.

Ang masama n’yan, Mayor Domagoso Sir, hindi na isinoli ng mga bataan mo ang pitsa ni Rambo kaya’t naglulupasay s’ya sa ngayon sa galit. Parang naholdap lang si Rambo sa Divisoria, no mga kosa? Araguuyyyy! Hak hak hak! Maganda sobra ang Pamasko nitong mga pulis na malalapit kay Domagoso noong holiday season, no mga kosa? Mismooooo!

Dapat alamin ni Sgt. Gerry Tubera, ang hepe ng Dagupan PCP at chief security ni Mayor Domagoso kung kanino ibinigay ni kosang Rambo ang P200,000 niya at baka mabukulan siya.

Ibinalita naman ng mga kosa ko sa Divisoria na tahimik na sa ngayon ang tropa ni Tubera. Piiit nilang inaarok kung sino itong nilalang o vendor na nagsusumbong sa mga ilegal nilang gawain. Subalit hindi naman nahinto ang tong collection ng tropa ni Tubera dahil tuloy pa din ang pag-iikot ni Aries alyas Buni sa Divisoria sa umaga’t-hapon para mangolekta ng P100 hanggang P300 kada vendors.

Subalit sobrang ingat ng tropa ni Tubera at para hindi s’ya mabukulan o maisahan ng IMEG ng PNP, aba pinasamahan n’ya ng escort itong si Aries sa katauhan nina PO3 Depano at PO3 Rey. Get’s mo PNP chief Gen. Debold Sinas Sir?

Kumalat ang tsismis na galit si Domagoso sa tropa ni Tubera kaya lang malakas ang pa din ang paniniwala ng mga kosa ko na bola-bola kamatis lang ito. Kung galit si Domagoso dahil maliwanag na corruption itong lakad ni Tubera, dapat ni relieve n’ya ito hindi ‘yaong pinapalamig lang n’ya ang isyu, di ba mga kosa? Mismooooo! Araguuyyyy! Hak hak hak!

Pugad ng bigasan ng mga Intsik ang Dagupan at malakas ang kutob ng mga kosa ko na tiba-tiba din itong tropa ni Tubera. Tsk tsk tsk! Get’s mo Gen. Sinas Sir? 

Dapat mag-assign ng taga-IMEG si Gen. Sinas sa Divisoria para linisin ito ng mga tiwaling pulis bilang bahagi ng internal cleansing n’ya. Hindi lang naman kasi vendors lang ang pinagkitaan doon kundi maging ang parking kung saan may pakinabang din ang mga tiwaling pulis. Kung sabagay, imposible namang hindi maarok ng PNP itong tong collection activities ng mga tiwaling pulis eh tadtad ng CCTV itong area na sakop ng Police Station 2, di ba mga kosa? Araguuyyyy! Hak hak hak!

Makakasira sa magandang imahe ni Domagoso itong tropa ni Tubera lalo na’t umiinit ang mataas n’yang survey rating sa pagka-Presidente. Abangan!

Show comments