^
EDITORYAL - Tulad ng DPWH, dami ring âbuwayaâ sa BIR

EDITORYAL - Tulad ng DPWH, dami ring ‘buwaya’ sa BIR

(Pang-masa) - January 10, 2021 - 12:00am

NABABAWASAN na ang mga “buwaya” sa De­partment of Public Works and Highways (DPWH) at ikinatutuwa ito ng sambayanan. Inihayag noong isang araw ni DPWH Sec. Mark Villar na 14 na district engineers ang sinibak niya sa puwesto. Ang mga korap na engineers na ito ang dahilan kaya sandamakmak ang palpak na proyekto ng gobyerno. Malaki ang nakukurakot ng mga ito kakutsaba ang mga korap ding kongresista. Kamakailan, pinangalanan ni President Duterte ang mga kongresista na sangkot sa corruption sa DPWH.

Sa pagkakasibak sa 14 na engineers, nagliliwanag na ang landas at maaring matupad na ang pangarap ni President Duterte na iiwan niyang malinis na malinis ang mga tanggapan ng gobyerno. Noong nakaraang Nobyembre, sinabi ng Presidente na bago siya bumaba sa 2022, titiyakin niyang malinis na malinis sa korapsiyon ang lahat nang tanggapan. Makaaasa raw ang mamamayan sa kanyang pangako.

Harinawa ay magkaroon ng kaganapan ito. Nagsasawa na ang taumbayan sa mga pangako ng namuno sa bansang ito at ang nais naman nila ay mamuhay na ligtas sa mga gutom na “buwaya”.

Mas lalong matutuwa ang mamamayan kung ang mga “buwaya” naman sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang sunod na sisibakin ng Presidente. Ang BIR ay pumapangalawa sa DPWH sa talamak na korapsiyon. Sunod sa BIR ang Bureau of Customs at sinundan naman ng Bureau of Immigration.

Kamakalawa, inatasan ni President Duterte si BIR Commissioner Caesar Dulay na isumite sa kanya ang listahan ng mga opisyal na sangkot sa anomalya. Ayon sa Presidente, rerebyuhin niya ang listahan ng mga opis­yal na sangkot sa iregularidad. Hindi naman sinabi ng Presidente kung babasahin niyang isa-isa ang pangalan ng mga BIR official na sangkot sa muli niyang pag-uulat sa bayan sa susunod na linggo.

Maraming korap sa BIR. Karamihan sa mga ito ay mga examiner. Namumutiktik sa pera ang mga “buwayang” examiner. Kapalit nang malaking halaga, sila ang ‘‘nag-aayos’’ ng papel ng mga delinkuwenteng taxpayers. Milyon ang usapan para maisaayos ang mga hindi nabayarang buwis.

Kung marami ang natuwa sa pagkakasibak sa mga korap sa DPWH, mas marami ang matutuwa kapag nalipol ang mga korap sa BIR. Nararapat nang linisin ang BIR sa mga “buwaya’’ na walang kabusugan.

BIR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with