Ang bakuna, bow!

Kumpirmado may naipasok na ngang bakuna sa Pinas at marami na rin ang nauna nang naturukan.

Ito ay sa kabila na wala pa ni isang inaaprubahan ang Food and Drug Administration (FDA).

Sa ilan meron umanong nakikitang paglabag dito, lalo na ang ilegal na pag-i-import at pagbebenta ng hindi pa aprubadong bakuna.

Pero sa panig naman nang nagpaturok na, hindi naman ito mahahabol dahil hindi ibinabawal lalo’t personal nila itong kagustuhan pero nagpaalala rin ang FDA na lubha itong mapanganib at ang pagpapaturok ay  pakikipagsapalaran.

Ang bakuna ay galing sa China na Sinopharm vaccine na sinasabing naiturok na sa ilang gabinete at mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

May ilan naman na pumalag at bumatikos sa aksyong ito na binansagan nilang ‘VIP vaccine’ .

May nagbansag pa dito na ‘itinagong’ bakuna.

Siyempre sasakyan ito ng mga kritiko ng gobyerno na inaasahang gagamitin sa pamumulitika.

Magkagayunman, ang katotohanan dito marami na rin sa ating mga kababayan ang naiinip   sa tagal naman sa pag-aksyon, sa pag-apruba sa mga karapat-dapat na bakuna.

Bukod pa sa maraming channel na nadadaanan bago ito tuluyang payagan.

Hindi naman sa minamadali natin sila, pero nakikita sa ibang bansa na milyun-milyon na  ang nababakunahan. Kahit nga yata maliit na bansa eh naka-avail na ng bakuna at nagsisimula na rin sa pagtutok nito, habang tayo ay naghihintay pa rin kung kailan.  Hindi kaya tayo mangulelat?

Marahil eh wag nang gawing isyu pa kung may naturukan na o wala, apurahin na lang marahil na makapagsimula na rin tayo sa pagbabakuna lalu pa nga at ang usapan na ngayon ay hindi ang naunang COVID,  kundi ang bagong strain na ngayon na  lumalaganap na sa ibat-ibang bansa.

Show comments