EDITORYAL - Tulungan mga estudyanteng nasira ang gadgets at modules

MARAMING estudyante sa Marikina City, bayan ng Rodriguez at San Mateo sa Rizal ganundin sa Cagayan at Isabela ang grabeng naapektuhan nang grabeng pagbaha noong nakaraang linggo dahil sa pananalasa ng Bagyong Ulysses. Marami sa mga gamit ng estudyante ang hindi naisalba nang biglang bumaha. Kabilang sa mga nasirang gamit ay ang kanilang laptop, tablet, cell phone at modules.

Sa pagmamadali nilang makaakyat sa bubong para mailigtas ang sarili at ang pamilya, hindi na nila naaalalang iligpit ang mga gadgets at modules. Nataranta na ang sila sa biglang pagtaas ng tubig at sa isang iglap inabot agad ang second floor ng mga bahay. Wala silang magawa para maisalba ang mga gamit sapagkat inuna nilang iligtas ang sarili.

Karamihan sa mga naapektuhang estudyante sa Marikina ay mga nakatira sa gilid ng Marikina River. Nakakadurog ng puso na malaman mula sa mga estudyante na bago sila nagkaroon ng gadgets na gagamitin sa pag-aaral ay pawis at dugo ang pinuhunan ng kanilang mga magulang para makabili ng gamit. Mayroong magulang na nangutang sa Bombay para makabili ng tablet. Hindi pa bayad ang tablet pero tinangay na ito ng baha.

Halos ganito rin ang nangyari sa mga estudyante sa Cagayan nang bumaha roon dahil sa Bagyong Ulysses. Nang abutin ng baha ang kanilang mga bahay, umakyat din sila sa bubong para makaligtas. Wala silang naisalbang gadgets o modules. Tinangay ng baha ang kanilang mga gamit at hindi nila alam kung paano magkakaroon muli ng mga ito para makahabol sa pag-aaral on-line.

Suspendido ng isang buwan ang klase sa Marikina dahil sa mapaminsalang baha. Wala pang anunsiyo ang iba pang bayan sa Rizal at maging sa Cagayan. Mas mabuti kung hahabaan pa ang suspensiyon ng klase sa mga binahang lugar para makagawa ng paraan ang mga magulang ng estudyanteng nasira at natangay ng baha ang gadgets.

Nararapat namang tulungan ng mga may mabubuting puso at nakaluluwag sa buhay ang mga estudyante upang magkaroon ng bagong gadgets. Hindi sila dapat pabayaan sa ganitong sitwasyon.

Show comments