Hindi ako susuko (20)
Ronnie M. Halos (Pang-masa) - October 27, 2020 - 12:00am

ANO kaya ang nangyari kay Sir Abe at hindi pa dumarating?

Baka nalimutan na ngayon niya kukunin ang ipinagawang portrait?

Hindi naman niya alam kung saan nakatira si Sir Abe. Kung alam lang niya ay da­dalhin na niya sa bahay nito. Malapit lang daw dito ang bahay at nilalakad lang daw, sabi sa kanya.

Hindi mapakali si Reagan.

Nararamdaman na niya ang sakit ng binti dahil sa isang oras na pagtayo. At naka­karamdam na siya ng gutom.

Nagdasal na siya na sana ay dumating na si Sir Abe.

Makalipas ang ilang minuto, natanaw niyang paparating na si Sir Abe.

Nakahinga nang maluwag si Reagan.

Nakangiti si Sir Abe nang lumapit.

‘‘Sorry, Reagan, may gi­nawa pa ako sa bahay kaya hindi agad ako nakarating.’’

“Okey lang po Sir Abe,’’ sabi ni Reagan at ibinigay ang nakabalot na portrait kay Sir Abe.

“Sa bahay ko na bubuksan. Halika sa bahay. Doon ka na kumain. Naghanda ako ng kaunti kasi ngayon ang birthday ni Misis.’’

“Huwag na po Sir Abe. Busog pa po ako.’’

“Halika na. Para malaman mo na rin ang bahay ko. Kakain lang tayo. At saka doon na kita babayaran para sa ginawa mo.’’

Sumama si Reagan kay Sir Abe.

Habang naglalakad ay nag-uusap sila.

“Ito ang birthday ng asawa ko na hindi kami magkasama. Hindi ko akalain na hindi na pala kami magseselebreyt na dalawa. Mahiwaga talaga ang buhay ano?’’ sabi ni Sir Abe na may kalungkutan ang boses.

Hindi nagsalita si Reagan.

“Wala akong kasama sa bahay. ‘Yung mga anak ko ay hindi makakarating. Tumawag lang sa akin.’’

Limang minuto lang sigu­rong silang naglakad at nara­ting na nila ang bahay. Dalawang palapag ang bahay. Kon­kreto. Bago ang pintura.

“Eto ang bahay ko,’’ binuk­san ni Sir Abe ang gate. “Halika pasok!’’

Pumasok si Reagan.

Binuksan ni Sir Abe ang main door.

“Pasok ka Reagan.’’

Pumasok si Reagan. Mala­wak ang sala. Krema ang kulay ng dingding. Leather ang sopa.

“Maupo ka muna at ihahanda ko ang kakainin natin.’’

Naupo si Reagan sa leather na sopa. Ang lambot. Naisip niya, sana ganito rin ang upuan nila.

(Itutuloy)

HINDI AKO SUSUKO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with