Ang babae sa aparador (187)

“CONGRATS sa inyong dalawa – Josh at Jing, sana maging maligaya kayo,’’ sabi ni Ziarah.

“Salamat, Ziarah. Natatandaan ko ang sinabi mo noon na ang walang tigil na pagdadasal ay nagbubunga. Dinidinig ng Diyos ang dasal. At natupad na nga.’’

“Totoo yun, Jing. At sana rin, maipagpatuloy ni Josh ang pag-aaral para maging ganap ang pagbabago.’’

Si Joshua ang sumagot.

‘‘Ipagpapatuloy ko ang pag-aaral, Ziarah. Kasama ‘yan sa mga plano ko. Para sa kinabukasan namin ni Jing. Isa pa, kakahiya kung wala akong matapos.’’

‘‘Tama ang plano mo, Josh. Naniniwala ako na matutupad ang mga pangarap mo.’’

“Salamat Ziarah sa mga payo mo,’’ sabi ni Josh at mahigpit na kinamayan si Ziarah at maging si Jonas.

Hinalikan ni Jing si Ziarah.

‘‘Sana magkita pa tayo, Ziarah sa mga darating na panahon.’’

‘‘Oo naman, magkikita pa tayo. Sa FB na lang tayo magkumustahan.’’

‘‘Sige Ziarah, mauuna na kami sa inyo. Bye Jonas.’’

Umalis na sina Joshua at Jing.

Inihatid sila ng tanaw nina Ziarah at Jonas.

ISANG linggo makalipas ang graduation ni Ziarah, pinaghanda na siya ni Jonas para mag-apply ng trabaho sa kompanya nito.

Nang araw na iyon, inihanda ni Ziarah ang CV niya at iba pang dokumento para sa pag-aaplay.

“Bukas, tiyak na may trabaho ka na Love.’’

“Sana ikaw na lang ang boss ko, Sweet, he-he!’’

“Mahigpit akong boss.’’

“E ano. Gusto ko nga ang ganun,’’ sabi ni Ziarah at nagtawa.

Pagkaraan ay umalis na sila patungong opisina.

(Itutuloy)

Show comments