EDITORYAL - Puwede nang mag-abroad ang healthcare workers
MULA nang ipatupad ang lockdown noong Marso dahil sa pandemya, maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang naapektuhan. Hindi sila makaalis sapagkat ipinagbawal ng pamahalaan. Kahit may mga kontrata na sa foreign employer hindi sila pinayagan. Isa pa kanselado lahat ang mga flight. Maraming inabutan ng pagkapaso ng working visa. Naging problema rin sa bansang pinagtatrabahuhan sapagkat nagkaroon ng paghihigpit dahil sa pandemic.
Kabilang sa mga naapektuhan ang mga healthcare workers gaya ng nurses, x-ray technicians, medical technologists at iba pa. Marami sa kanila ay may mga kontrata nang pinirmahan, may working visa, plane ticket at lilipad na lang sana noong Abril pero dahil inabutan ng lockdown, hindi na nakaalis. At lalo pang nalagay sa alanganin nang ipagbawal na mismo ng pamahalaan ang pag-alis ng lahat ng health workers. Nagkaroon ng deployment ban. Walang makaalis na nurses at iba pang mga nagtatrabaho sa ospital. Ang ban ay ipinatupad sa pamamagitan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA)
Kahapon, inalis na ang deployment ban sa healh workers. Lahat nang may kumpletong dokumento na may petsang Ágosto 31 ay maaari nang makaalis patungong ibang bansa. Si President Duterte mismo ang nag-apruba makaraang irekomenda ng POEA. Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque nakinig daw ang Presidente sa hinaing ng mga nurses. Kaya ang may mga papeles at kumpletong documentation pinayagan na ng Presidente na makaalis.
Mabuti naman at pinayagan na ang mga health workers na makaalis para makapagtrabaho. Hindi na sila magiging pasanin sa bansa. Mababawasan na ang walang trabaho na sa kasalukuyan ay lumobo na dahil sa problema ng pandemya. Maraming nagsarang kompanya at establisimiento.
Sa ibang bansa, may mas pagkakataon ang health workers na kumita nang malaki hindi katulad dito sa bansa na masyadong kawawa ang kanilang kalagayan.
Kung sana ay mabuti ang pasahod at benepisyo, maaaring hindi na maghangad na lumayo ang mga nurses, doctors, medical technologists at iba pa. Hayaan silang maghanap para sa magandang kinabukasan.
- Latest