Bentahan ng lupa sa Rizal, nauwi sa korte!
SUPALPAL - Non Alquitran (Pang-masa) - September 9, 2020 - 12:00am

MAG-INGAT sa pagbili ng 8.5 hectares na lupa sa Brgy. Muzon, Taytay, Rizal. Ang lupa ay makikita sa tabi ng daan at malaki ang posibilidad na tumaas ang presyo nito sa hinaharap kapag ang lugar ay maging sentro ng pag-unlad. Ayon kay Kosang Fernan Angeles, maraming beses nang naibenta ang naturang lupa at ang pinakahuli ay sa isang Indian national na si Devidas Badlani. Nabili ni Badlani ang lupa sa halagang P29 milyon. Subalit imbes na maging masa­ya dahil nakamtan niya ang ambisyon na magkaroon ng malaking lupa sa Pinas, aba nanlumo si Badlani matapos masangkot pa sa kaso na wala siyang kaalam-alam.

Kasamang kinasuhan si Badlani ng falsification of public documents ng isang Carlos de Leon o Mang Caloy sa Rizal Provincial prosecutor’s office. Natuklasan kasi ni Mang Caloy na pineke ng pamangkin niyang si Allan de Leon, na dating konsehal ng Taytay, ang pirma niya para maibenta ang naturang lupa kay Badlani. Araguuyyyy! Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan! Tumpak!

Ganito kasi ‘yan. Sa kuwento ni Kosang Fernan, ang complainant na si Mang Caloy ay kapatid ng tatay ng batang De Leon, na ngayon ay chairman ng barangay. Pito palang magkapatid sina Mang Caloy at marami silang minanang lupa sa mga magulang nila. Nagulat na lang ang pobreng si Mang Caloy nang malaman na naibenta na ang lupa kay Badlani kaya napilitan siyang magsampa ng kaso laban sa pamangkin na si Allan dahil ni singkong duling di siya nabigyan ng ayuda. Isinumite ni Mang Caloy sa korte ang ebidensiya bilang patunay na pineke ang pirma niya sa isang extra-judicial affidavit na naglalaman ng tatlong specimen signature niya.

Kabilang sa mga sinampahan ng kaso na naka-docket na NPS XV-18M-INV-19E-02504-05, ay sina Enrique San Juan, Violeta Gonzales, Flor San Juan at Badlani. Araguuyyyy! Hak hak hak! Hindi maipaliwanag ni Kosang Fernan kung paano nadamay sina Enrique at Flor San Juan, at Gonzales. Buyer din kaya sila ng lupa?

Ayon kay kosang Fernan, iginigiit naman ni Badlani na hindi s’ya dapat nadamay sa kaso dahil sa tingin niya, siya mismo ay biktima. Dagdag pa niya, binili niya ang lupa mula kay De Leon, na aniya’y kanyang pinagkatiwalaan daghil isa umano itong opisyal ng pamahalaan. Lingid din aniya sa kanyang kaalaman na pineke lamang ni De Leon ang pirma ng kanyang tiyuhin. Araguuyyyy! Hak hak hak! Paano kaya mababawi ni Badlani ang kanyang P29 milyon?

Sa totoo lang, hindi naman personal na kakilala ni Kosang Fernan si Mang Caloy kaya lang may nag-refer sa kanya para tulungan ito sa sinapit. Sinubukan din ni Kosang Fernan na kunin ang panig ng akusadong si Allan subalit ni-refer siya nito sa Facebook post niya kung saan iginigiit na “pure politics” lang ang pagsampa ng kaso laban sa kanya. Ano ba ‘yan! Bukas ang Supalpal sa panig ng akusadong si De Leon. Abangan!

RIZAL TAYTAY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with