_pang-masa
^

Punto Mo

Lahi ng mga bayani

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA Lunes, Agosto 31, ating ipagdiriwang ang “Araw ng mga Bayani” upang parangalan ang mga Pilipinong nag-alay ng kanilang buhay alang-alang sa kalayaan at kasarinlan ng Pilipinas. Sa kasaysayan, ito rin ang anibersario ng “Sigaw ng Pugad Lawin,” kung saan pinasimulan ng Katipunan, sa pangunguna ni Andres Bonifacio, ang paglaban sa Spain na sumakop sa Pilipinas sa halos 350 years.

Pagkatapos ng Spain, ang Pilipinas ay sinakop din ng America, halos 50 years; at ng Japan, halos four years. Sa paglaban sa mga higanteng bansang ito, libu-libong mga Pilipino ang nagbuwis ng kanilang buhay, ang iba’y kilala, ngunit ang marami’y hindi. Kahit higante ang mga kalaban, hindi sila natakot lumaban hanggang kamatayan, sapagkat higante rin ang pag-ibig nila sa bansang sinilangan.

Ang ating kalakhan o kaliitan ay depende sa pagtingin natin sa ating sarili. Sa Biblia,  nagpadala si Moises ng labindalawang spies sa Canaan, ang Lupang Pangako, upang alamin kung makakaya nilang lusubin ang lupaing iyon o hindi. Ayon sa sampung spies, mga higante ang naninirahan doon, kung kaya’t wala silang laban, kayang-kaya silang lamunin ng mga ito. Sa kabilang banda, nakita rin ng dalawa pang spies, nina Joshua at Caleb, na malalaki nga ang mga taong naninirahan doon. Ngunit may iba pa silang nakita—ang kalakhan ng Diyos at ng kanilang pananampalataya. Sa henerasyong iyon, sina Joshua at Caleb lamang ang nakatuntong sa Lupang Pangako.

Nagsisimula ang lahat sa pagtingin sa sarili. Kung ang tingin natin sa ating sarili’y walang kaya, wala nga tayong kakayanin. Kung ang tingin natin sa ating sarili’y mababa, kailanman ay hindi tayo tataas. Ang malungkot, tila nasisiyahan tayo na alipustain ang ating lahi. Kapag may gumawa ng kapalpakan, ang sinasabi natin ay “Pinoy kasi” na para bang ang kapalpakan ay likas nating katangian.  Kapag may nahuli sa oras ng usapan, ang sinasabi natin ay “Filipino time” na para bang wala tayong pagpapahalaga sa oras bilang isang lahi.

Ang mataas na pagtingin sa sarili ay dapat sundan ng mataas na pangarap para sa bansa. Pinatunayan ng ating mga ninuno ang dangal ng lahing Pilipino sa pamamagitan ng kanilang kabayanihan. Noon, ang Pilipinas ay kilala bilang lahi ng mga bayani. Kaya’t ako’y lungkot na lungkot nang minsang sinabihan ako ng isang kaibigang Koreano ng ganito, “Ang problema sa inyong mga Pilipino, wala kayong pagmamahal sa inyong bansa.” Nakalulungkot, pero may bahid ng katotohanan!

Ngayon ang panahon na bawat Pilipino ay dapat maging buhay na bayani sa pamamagitan ng paggawa ng kahit maliliit na hakbang ng pagmamahal sa Pilipinas. Angkinin natin sa ating puso’t isip na ang Pilipinas ay para sa mga Pilipino, at hindi para sa mga Tsino o Amerikano, o anumang lahi. Ang ating mga kalsada ay atin, kung kaya’t hindi natin tatapunan ng ating basura. Ang ating likas na kayamanan ay atin, kung kaya’t hindi tayo pagagamit kaninuman upang ito’y sirain. Ang Pilipinas ay atin, kung kaya’t hindi tayo papayag na aangkinin ng sinumang makapangyarihang bansa ang kahit isang pulgada ng ating teritoryo.

“Iaalay ko ang aking buhay, pangarap, at pagsisikap sa bansang Pilipinas,” ito ang huling saknong ng ating “Panatang Makabayan.” Mamuhay tayo para sa Pilipinas. Mangarap tayo para sa Pilipinas. Magsikap tayo para sa Pilipinas. Ito ang pinakamataas na uri ng kabayanihan!

PILIPINO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with