EDITORYAL - Ilarga ang 3rd SAP para sa mahihirap

PINANSIYAL na ayuda ang kailangan ng mga mahihirap ngayong nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ang National Capital Region (NCR). Dalawang linggong ipatutupad ang MECQ. Bukod sa NCR, kabilang din ang Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan sa isinailalim sa MECQ.

Kapag na MECQ ang lugar, mahigpit na pinagbabawal ang pamamasada ng bus, jeepney, TNVS at iba pang pampublikong transportasyon. Pati MRT at LRT ay bawal din. Limampung porsiyento lamang ang establisimentong pinayagang magbukas. Maski ang mga barber shop, salon, gyms at internet café ay bawal mag-operate kapag MECQ. Ang ilang gym na kabubukas lang, sarado ulit.

Sa ganitong sitwasyon, saan kukuha ng perang ipambibili ng pagkain ang mga apektadong mamamayan lalo na ang mga drayber, konduktor at mga nagtatrabaho sa pabrika? Paano ang kanilang kabuhayan sa loob ng dalawang linggong naka-MECQ?

Kapag nasa ilalim ng MECQ, walang maglilimayon. Dapat nasa bahay lang. May quarantine pass dapat ang lalabas na residente para lamang makabili ng pagkain at gamot. Mayroon ding curfew at ang lalabag ay magmumulta.

Mahirap ang sitwasyon para sa mga sagad ang kahirapan. Paano sila kakain kung bawal lumabas? Paano kung maraming anak at kailangang maghanap ng ilalaman sa tiyan.

Dapat magbigay ng ayuda ang pamahalaan. Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), puwede naman silang magbigay ng 3rd social amelioration program (SAP). Kung lilikha ang Kongreso ng batas ukol sa pamamahagi ng 3rd SAP, agaran silang tatalima.

Sabi ni DSWD Usec Rene Glen Paje handa ang kanyang kagawaran na magkaloob ng 3rd round ng SAP kung ipag-uutos. Mayroon umanong nakahandang cash aid ang pamahalaan para ipang-ayuda sa mga mahihirap na mamamayan.

Puwede naman pala. Kung gayun, simulan na ang pag-ayuda. Ipamahagi ang 3rd SAP. Tiyakin lang ng DSWD na maayos ang pamamahagi at hindi mahahaluan ng korapsiyon tulad nang nangyari sa unang SAP.

 

Show comments