Ang babae sa aparador (109)
NAKADAMA ng inis si Ziarah sa kaklaseng si Joshua pero hindi naman niya ipinahalata.
Naiinis siya dahil parang sarcastic ang pagtatanong sa kanya na bakit ang tagal daw niyang nawala. Para bang kung makatanong ay meron na silang ugnayan sa isa’t isa.
Ayaw nga niya sa asungot.
Wala pa sa isip niya ngayon ang pakikipagsiyota. Mas prayoridad niya ang pag-aaral para matupad ang pangarap. Lalo pa nga ngayon na mayroong balak si Jonas na ipasok siya sa kompanya ng mga ito. Kapag nangyari iyon, makakatakas na siya sa kahirapan.
“Akala ko hindi ka na papasok, Ziarah. Itinatanong ka na nga ng lalaki nating instructor pero walang makapagsabi kung bakit hindi ka pumapasok. Kung alam ko sana ang cell number e ‘di sana nasabi ko. Ayaw mo kasing ibigay sa akin ang cell number mo.’’
Inis na si Ziarah.
“Bakit ko naman ibibigay sa’yo?’’
“Wala lang. Para natatawagan kita. Ayaw mo nun?’’
Hindi na sumagot si Ziarah. Mukhang hindi siya mananalo kay Joshua.
“May problema bang nangyari, Ziarah?’’
“‘Di ba sabi ko nga meron. Nagkasakit ang amo kong lalaki at isinugod sa ospital.’’
“Ah ganun ba. Talaga bang maid ka, Ziarah?’’
“Di ka ba naniniwala? Maid ako. Pinag-aaral lang ako ng amo ko kaya narito ako.’’
“O e okey na ang lagay niya?’’
“Oo. Kaya nga ako nakapasok na.’’
“Mabuti naman at magaling na. Hindi na ka aabsent.’’
Hindi na sumagot si Ziarah. Nagpatuloy siya sa paglalakad papasok sa kanilang building. Kasabay pa rin niya si Joshua.
Pakiramdam ni Ziarah, ina-assume ni Joshua na magsiyota na sila.
Nang malapit na sila sa room ay may sinabi si Joshua.
‘‘Mamaya pagkatapos ng klase natin, magmeryenda tayo. Sige na naman, Ziarah. Birthday ko lang ngayon.’’
Hindi makasagot si Ziarah.
Pero naisip niya para tumahimik na ito sa pagbuntot-buntot sa kanya, pumayag na siya.
Tutal at birthday naman.
Ngayon lang at pagkatapos, wala na. Tatanggihan na niya ang asungot.
“Sige! Pero ngayon lang. Wala na sa susunod.’’
‘‘Oo Ziarah!’’
(Itutuloy)
- Latest