Pulis-Cebu, inuna ang bisyo kaysa laban vs COVID!

IMBES na tulungan ang mga kabaro niya sa Cebu sa pakikipaglaban sa COVID-19, ang bisyo niyang sabong ang inuna ni S/Sgt. Charlito Sanchez. Subalit minalas si Sanchez dahil naaresto siya, at tatlo pang sibilyan, habang tumataya sa sabong sa Bgy. Sudlon, Lahug, Cebu City noong Linggo. Kaya sa ngayon, naghihimas ng rehas na bakal si Sanchez at goodbye na lang sa kinabukasan ng pamilya niya. Araguuyyy!

Ayon kay Brig. Gen. Ronald Lee, hepe ng Interity Moniro-ting and Enforcement Group (IMEG) nahaharap sa kasong administratibo si Sanchez, kasama na ang paglabag sa health protocol na non-wearing of face mask at social distancing. Kahit nasa kainitan ng COVID, hindi namamahinga si Lee para ipatupad ang internal cleansing sa hanay ng kapulisan, ‘di ba mga kosa?

Narekober sa loob ng compound ang mga manok panabong, tari at cash bets. Sinabi pa ni Lee na dati na ring kinasuhan si Sanchez ng illegal gambling at mukhang ‘di pa siya nagkaroon ng leksiyon. Kaya nararapat lang na i-dismiss ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa si Sanchez para hindi pamarisan ng ibang pulis. Araguuyyy! Hak hak hak! Ang panandaliang kasayahan ni Sanchez ay napalitan ng mahabang kalungkutan, ‘di ba mga kosa? Tumpak!
Hindi na dapat magtaka si Sanchez kung sisibakin siya dahil ginugol n’ya ang oras sa bisyo imbes na maging frontliner vs COVID, kung saan marami ang dinapuan ng virus sa hanay nila. Ayon kay Gamboa, walong pulis na ang namatay sa COVID at tatlo dito ay taga-Cebu. Hindi lang ‘yan, sa 499 pulis na positibo sa virus, 122 dito ay taga-Cebu. Samantalang umaabot pa sa 611 na kaso ng COVID at 875 suspected cases ang mino-monitor ng PNP Health Service. Get’s n’yo mga kosa?

At dinagdag pa ni Gamboa na mahigit 100 sa mga kasong mino-monitor ng mga tauhan ni Central Visayas police chief Brig. Gen. Albert Ignatius Ferro. Ano ba ‘yan? Habang nagsusugal ng buhay ang mga kasamahan niya, si Sanchez naman ay nagsasabong lang. Araguuyyy!

Para mapigilan ang pagtaas ng COVID cases sa mga pulis sa Central VIsayas, kumilos naman kaagad si Gamboa para magpatayo ng sariling testing laboratory ang PNP sa Cebu. Hinihintay na lang ng PNP ang go signal ng Department of Health (DOH) para giyahan sila kung saan nararapat itayo at mapabilis ang pagpatayo nito. Para tugunan naman ang kakulangan ng mga pulis dahil sa dami ng dinapuan ng virus, magpapadala si Gamboa ng 100 pulis galing sa Region 6 at Region 8 para tumulong sa pagpatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Cebu at Talisay City.

Iniutos naman ni Gamboa sa regional Health Service ng Western at Eastern Visayas police na ang lahat ng pulis na ma-deploy sa Cebu ay dumaan sa istriktong mandatory health checks. Hak hak hak! Sa pagtaas ng COVID cases sa Cebu, mukhang di na masilayan ni Sanchez ang kanyang suweldo at retirement benefits, di ba mga kosa? Abangan!

 

Show comments