Ang babae sa aparador (84)
KAYANG-KAYA ni Ziarah ang pag-aaral sa kinuhang kurso na may kinalaman sa computer operations. Madali niyang matandaan ang mga nakasaad sa libro na may kinalaman sa kurso. Talagang ito ang hilig niya kaya madali niyang makabisado ang mga terminolohiya sa computer. Gusto niya, manguna sa klase. Pipilitin niya para hindi masayang ang pagpapaaral sa kanya ni Jonas. Pinabayaran ni Jonas nang buo ang kanyang tuition at iba pang bayarin.
Pagkaraang mag-aral ay matutulog na si Ziarah dakong alas nuwebe ng gabi at babangon ng alas kuwatro ng umaga para simulan ang kangyang mga gawaing bahay.
Mag-uumpisa siya sa pagluluto ng almusal. Kailangan bago mag-alas sais ay nakaluto na siya dahil papasok ng alas siyete si Jonas.
Makaraang magluto, ang paglilinis ng bahay naman ang sunod niyang gagawin. Kailangang malinis na malinis ang bahay.
Dakong alas sais, tapos na siya paglilinis at eksaktong gising na rin si Jonas.
Pinaghanda niya ito nang makakain. Karaniwang fried egg at guisadong corned beef ang gusto nito with matching mainit na kapeng barako.
Eksaktong alas siyete ay aalis na si Jonas patungong opisina.
Hindi nito nalilimutang magpaalam kay Ziarah.
“Aalis na ako Ziarah. Ikaw na uli ang bahala rito. Siyanga pala, anong oras ang klase mo ngayon?’’
“Ala una po Kuya. Matatapos po ng alas singko. Mga 5:30 po ay narito na ako. Bakit po?’’
“Kasi baka gabihin ako mamaya.’’
“Kasama mo po ba si Kat, Kuya?’’
“Hindi ako sure. Kung kasama ko, i-text kita. Gaya ng dati, magtatago ka.’’
“Walang problema Kuya. I-text mo po ako.’’
“Oo i-text kita. Huwag ka nang magtatago sa aparador ha?’’ sabing nakangiti ni Jonas.
“Hindi na Kuya. Nasa bulsa na ang susi ng kuwarto ko.’’
“Sige aalis na ako.’’
“Mag-ingat ka Kuya.’’
Tumango si Jonas.
Umalis na ito at inihatid ng tingin ni Ziarah.
(Itutuloy)
- Latest















