‘No one is above the law!’ – Zamora

MAHIGPIT magpatupad ng health protocol si San Juan Mayor Francisco Javier “Francis” Zamora sa kanyang siyudad sa kainitan ng COVID-19 pandemic subalit sa ibang lugar pala No. 1 violator siya. Anyare?

Si Zamora at ang kanyang convoy ay sinita sa Baguio City dahil sa pag-isnab sa health protocol sa gitna ng general community quarantine (GCQ) kaya umani siya nang maanghang na komento sa social media. Sa Baguio kasi mga kosa, istrikto na ipinapatupad ang quarantine protocol dahil ayaw ni Mayor Benjie Magalong na kumalat ang COVID sa nasasakupan niya. Kahit pinahihinto si Zamora at ang convoy niya sa checkpoint, aba dumiretso sila sa Baguio City Country Club (BCCC) kung saan sinundan sila ng mga bataan ni Magalong at sinita.

Walang maipakitang medical certificate si Zamora et al. Ayon kay dating Sen. Jinggoy Estrada, daig pa ni Zamora, na tinawag niyang Boy Baguio, si President Digong sa inarte niya sa Baguio. Nagpasarap umano si Zamora sa Baguio, iniwan at hindi inasikaso ang siyudad na mas mataas pa ang kaso ng COVID, ani Jinggoy. Araguuyyyy! Hak hak hak! Bata pa si Zamora subalit mukhang may Alzhiemer na s’ya at mabilis makalimot, ‘no mga kosa? Tumpak!

Matatandaan na sinita ni Zamora sina Jinggoy, anak na si dating Vice Mayor Janella Estrada at pinsan na si Konsehal Jana Estrada habang namimigay ng ayuda sa kainitan ng COVID sa San Juan dahil sa walang permit sila at paglabag ng health protocol. Ayon kay Jinggoy, tandang-tanda pa niya na ipinakulong siya ni Zamora at sinabihan pa na “no one is above the law” kahit dating mayor at senador pa siya. Hindi pala pinapraktis ni Zamora ang pinaiiral niyang batas kung ang insidente sa Baguio ang gagawing basehan, di ba mga kosa? Araguuyyyy!

Dahil sa insidente, lumarga sa social media ang panawagan na ideklara si Zamora na persona non grata sa Baguio City. Libu-libo na ang pumirma subalit nilinaw ni Magalong na wala pang resolution ang city council na tugunan ang panawagan na ito laban kay Zamora, na abot-langit ang paghingi ng patawad dahil sa pangyayari na sa tingin niya ay miscommunication lamang. Hak hak hak! Ang pagsita niya kaya kina Jinggoy, Janella at Jana ay miscommunication din, ha Mayor Zamora Sir? Ano sa tingin n’yo mga kosa?

Ang masama nito, inihulog ni Zamora ang limang police escorts niya na sinibak kaagad ni NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas at pina-floating status sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan. Napunta sa mga pulis ang sisi dahil ayon kay Zamora tulog siya sa buong biyahe at hindi niya alam ang pangyayaring hindi huminto sa checkpoint para magpasailalim sa tinatawag na “triange”. Palusot, ang sigaw ni Jinggoy.

Ang tanong naman ni ex-Sen. JV Estrada kapag tulog ba si Zamora absuwelto na siya sa kasong paglabag sa “Bayanihan Heal as One Act?” Naghugas-kamay naman si DILG Sec. Eduardo Año at ibinato sa PNP ang kaso ni Zamora eh local official ito at saklaw niya. Get’s n’yo mga kosa? Abangan!

Show comments