Lalaki sa London, nagdala ng hugasan ng kamay at nag-helmet sa train

Sobrang takot sa coronavirus

NAGULAT ang mga pasahero ng isang train sa London nang makita nila ang kapwa pasaherong lalaki na naka-motorbike helmet, naka-rubber gloves at ang kagila-gilalas mayroon itong dalang portable na lababo na hugasan ng kamay.

Pinagmasdan ng mga pasahero ang ginagawa ng lalaki habang naka­upo nasa kandungan nito ang lababo na paghuhugasan ng kamay.

Una munang ginawa ng lalaki ay hinubad ang gloves. Kinuha sa Lidl carrier bag ang botelya ng tubig. Binuhusan niya ang mga kamay. Hinugasan niyang mabuti ang mga kamay para mapatay ang virus.

Pagkatapos ay kinuha nito ang hand sanitizer at ilang beses ipinahid sa mga palad.

Pati ang kanyang mga siko ay kanyang nilagyan ng sanitizer.

Dahil sa kakaibang ginagawa ng lalaki, mayroong kumuha ng video at retrato.

Ang iba ay nag-akala na ang lalaki ay prankster.

Marami ang nagtatawa habang pinagmamasdan ang lalaki.

Kaagad nag-viral sa social media ang ginawa ng lalaki.

Maraming nagkomento, natuwa at ang iba’y napa-tsk-tsk-tsk.

Sabi ng isa: “Wow he bought everything, including the kitchen sink!”

Sabi naman ng isa: “Alcohol based hand sanitizers only are effective if they are at least 60% concentration. By washing his hands using water first, and not with soap, he’s lowering the concentration below the point it will kill the coronavirus.”

Ayon naman sa isa pa: “This actually made me laugh out loud.”

Show comments