Mga pasaway na kabataan sa india isinakay ng mga pulis sa ambulansiya na may ‘COVID patient’ bilang parusa

MARAMING pasaway na kabataan sa India na kahit may lockdown ay wala pa ring tigil sa paglilimayon sa kalsada. At gumagala sila na walang face mask.

Kaya isang paraan ang naisip ng mga pulis mula sa Tamil Nadu para matakot ang mga kabataan sa paglilimayon at maturuan ng leksiyon. Kung hindi nila tatakutin ang mga kabataan at maski ang mga matatanda, patuloy na gagala ang mga ito at mahahawa sila ng virus.

Isang ambulansiya ang ginawang props ng mga pulis. Sa loob ng ambulansiya, isang nakasibilyan na pulis ang pinahiga nila at kunwaring maysakit. May suot na protective gear at kunwari ay naka-oxyen pa. Talagang mapagkakamalan ito na infected ng virus­. Ipinarada ang ambulansiya sa gilid ng kalsada.

Hanggang sa tatlong kabataan na pasaway ang naispatan ng mga pulis na masayang nagba-bike at nagkakarera pa. Walang suot na face masks ang mga ito.

Pinara ng mga pulis ang tatlong kabataan.

Tumigil naman ang mga ito.

Inatasan sila ng mga pulis na pumasok sa loob ng ambulansiya na may nakahigang “pasyente”. Isinara ang pintuan ng ambulansiya.

Nang nasa loob na ang tatlong kabataan, nagtatanong sila sa isa’t isa kung ano ang sakit ng “pasyenteng” nakahiga.

At bawat isa sa kanila ay nagkaroon ng hinala na ang nakahigang pasyente ay may COVID-19.

At lalo silang nahintakutan nang biglang bumangon ang “pas­yente’’ at lumapit sa tatlo. Nagpulasan ang tatlo at nagpilit maka­labas sa ambulansiya. Pilit binubuksan ang bintana. Hindi nila malaman ang gagawin sa sobrang takot na mahawa ng virus. Nagmamakaawa sila na palabasin na para hindi mahawa ng sakit. Nangako na hindi na raw sila lalabag sa kautusan at hindi na magiging pasaway.

Saka lamang tumigil ang nagkukunwaring pasyente sa paglapit sa tatlo at sinabing wala naman siyang sakit. Paraan lang iyon para sila sawayin.

Show comments