Decongest Metro Manila

KUNG may isang lugar na napakahirap abutan ng matin­ding kalamidad na tulad ng COVID-19 pandemic, ito’y sa Metro Manila na may 12.8 milyong populasyon, kumpara sa 109.5 milyong kabuuang populasyon ng Pilipinas, base sa 2015 statistics. Ang Mero Manila ay may sukat na 619.6 square kilometers, kumpara sa 300,000 square kilometers na sukat ng buong Pilipinas. Ang Metro Manila ang “the most densely populated region” sa bansa. Ibig sabihin, dito pinakanagsisiksikan ang mga tao.

Gumawa tayo ng paghahambing. Ang Norway sa Europe ay idiniklara ng World Bank na pinakamayamang bansa sa buong mundo. Mas malaki ang Norway sa Pilipinas, sapagkat ang  sukat nito ay 324,220 square kilometers. Ang populasyon nito’y 5.38 milyon lamang, kumpara sa 12.8 milyong populasyon ng Metro Manila.

Nagkaroon ako ng pagkakataong makapunta sa Norway. Wala silang konsepto ng kahirapan. Kailangan pa nilang pumunta sa mahihirap na bansa na tulad ng Pilipinas upang makita at mauna­waan kung ano ang ibig sabihin ng kahirapan. Sabi ng isang Norwegian na kaibigan ko, sa Norway, kapag may sampung taong nagkakatipun-tipon sa kalye, ang tawag nila doon ay “crowd.”

Ito ang dahilan kung bakit mahirap magpatupad ng social distancing sa Metro Manila, kung bakit mahirap disiplinahin ang mga tao rito, kung bakit kahit gaano man kalaking tulong ang ibigay ng gobyerno ay marami pa rin ang nagrereklamo. Ayon sa statistics, halos 35 porsyento ng mga tao sa Metro Manila ay mahihirap. Ibig sabihin, mahigit sa apat na milyon ang umaasa lamang sa tulong ng gobyerno. Ang problema nga, hanggang ngayon ay walang mapapanaligang census ng Metro Manila: ilan ba talaga ang mahihirap at nangangailangan ng tulong? Hindi lubos na maaasahan ang listahan ng mga barangay, sapagkat baka ito’y dinuktor para sa pulitikal na layunin. 

Nakita natin ngayon na mas nakaka-cope up ang mga mamamayan sa labas ng Metro Manila sa harap ng COVID-19 pandemic. Mas maayos pa ang kanilang kalagayan. Hindi ko na kayang isipin kung ano ang mangyayari sa Metro Manila kapag naganap ang kinatatakutang “The Big One” o ang malakas na lindol na tinatayang papatay kaagad ng 35,000 tao.

Masisira ang lahat ng plano para sa kaunlaran ng Metro Manila kung hindi gagawin ang isang bagay — ang pagbabawas ng populasyon nito o decongestion. Kailangang maibalik sa kani-kanilang probinsya ang mga taong nandayuhan sa Metro Manila sa pag-asang dito nila matatagpuan ang isang magandang buhay.  Maganda bang buhay ang manirahan sa pinakamarumi, pinaka-polluted, pinakamasikip, pinakamatrapik at pinakamagulong lugar sa Pilipinas?

Of course, hindi madaling hikayatin ang mga tao na magsibalik sa kani-kanilang probinsya. Tanong kasi nila, paano kami mabubuhay dun?  Kaya importanteng seryosohin ng gobyerno ang paglalabas sa Metro Manila ng mga oportunidad sa trabaho at pag-aaral.  Sa mga probinsiya na sa labas ng Metro Manila kailangang itayo ang mga bagong negosyo, eskwelahan at sentro ng gobyerno. Hangga’t hindi ito nagagawa, mananatiling mahirap pamahalaan ang Metro Manila at dalhin ang mga mamamayan nito sa isang magandang buhay.

Pero dahil matagal pa bago ito mangyari, at mangyayari lamang ito kung may talagang “political will” ang gobyerno na ito’y gawin, sa ngayon, magkasya muna tayo sa band-aid o patapal-tapal na solusyon. Wala tayong magagawa ngayon kundi ang magdasal nang mataimtim.

 

Show comments