Pari at workers sa chapel ng PNP, positibo sa COVID?
SUPALPAL - Non Alquitran (Pang-masa) - March 25, 2020 - 12:00am

ABALANG-ABALA ang tracker teams ng Philippine National­ Police sa ngayon hindi para habulin ang mga kriminal kundi i-trace ang mga taong nahawa ng COVID-19 virus mismo sa PNP headquarters sa Camp Crame. Isinagawa ang pagtugis sa mga apektado ng COVID matapos kumalat ang balita na may pari at workers ng PNP Chaplain Service na nasa ospital o naka-quarantine sa ngayon matapos mahawahan ng virus.

Alam n’yo naman mga kosa na ang chapel ay nasa gitna mismo ng Camp Crame kung saan mayroong misa tuwing Miyerkules at Linggo. Hindi lang ‘yan. Marami ring pulis ang palaging dumaraan sa chapel para magdasal. Sinabi ng mga kosa ko na ang pari ay na-admit sa isang ospital sa Quezon City noong nakaraang linggo at nasa intensive care unit (ICU).

Sa ngayon, tini-trace ng PNP tracker teams kung sinu-sino ang nakahalubilo ng pari at workers para mapigil ang pagkalat ng COVID. Ang chapel ay nag-disinfect na pati ang mga opisina na dina­dalaw ng pari ng Chaplain Service para mapatay ang virus. Siyempre, kadalasan mga opisina ng mga heneral ang dinadalaw ng pari kaya h’wag na kayong magtaka kung hindi muna pumapasok ang mga ito sa opisina nila, ‘di ba PNP chief Gen. Archie Gamboa Sir?

Ang chapel ay pinaliligiran ng mga opisina ng PNP main headquarters, National Capital Region (NCR) ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Finance Service, PNP Crime Laboratory, PNP Multi-Purpose Building, at Police Community Relations Group, kung saan sa likod nito ang PNP Press Corps. Hehehe! Mga kosa ko dyan sa media ingat lang ha? Hindi birong kalaban ang COVID at hindi tatablan ng bala ng baril.

Ang huling balita kahapon sa awa ng Diyos, nakalabas na sa ICU si Father at nasa regular room na, at ibig sabihin nito nag-improve na ang kanyang kundisyon. Ipanalangin natin na malampasan ni Father at mga workers ang malalim na pagsubok sa buhay nila. Get’s n’yo mga kosa?

Habang abala naman ang mga tracker teams sa Camp Crame, minabuti naman ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang Deputy Chief for Operations (DCO) na paikutin ang mga pulis na naka-assign sa mga checkpoint operations sa Metro Manila para pangalagaan ang kanilang kalusugan. Ginawa ni Eleazar ang programa para makapagpahinga naman ang mga pulis, makasama ang kanilang pamilya at maprotektahan sila laban sa COVID.

Sinabi ni Eleazar, ang Shield Commander ng Joint Task Force Corona Virus, na maya’t maya rin nilang mino-monitor ang kalusugan ng kanilang mga pulis sa checkpoint, lalo na ‘yung naka-assign sa entry at exit points ng Metro Manila. Kung sabagay, kumpleto naman ang rasyon na pagkain ng mga pulis para lumakas ang kanilang immune system para labanan ang virus, na wala pang gamot hanggang sa ngayon.

Nagpapasalamat naman si Eleazar na wala pang mga pulis na naka-assign sa checkpoint na naiulat na nahawahan ng naturang sakit. Praise the Lord! Ang kapulisan, kasama ang mga frontline workers, lalo na ang mga doktor, ang maituturing na modern heroes para mapuksa ang virus. Truly! Abangan!

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with