EDITORYAL - Batik na namansa PhilHealth
EDITORYAL - Batik na namansa PhilHealth
(Pang-masa) - February 22, 2020 - 12:00am

HINDI pa napapawi ang isyu ng “ghost dialysis” sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) meron na namang lumulutang na isyu sa nabanggit na tanggapan. At hindi ito dapat ipagwalambahala sapagkat ang sangkot ay mga matataas na opisyal na hindi umano nire-remit ang milyong pisong contributions ng overseas Filipino workers (OFWs).

Sinampahan ng kaso ang apat na ranking officials ng PhilHealth dahil sa hindi umano pagre-remit ng P16.584 milyong contributions ng OFWs mula 2014 hanggang 2018. Ayon sa whistleblower na si Ken Sarmiento, nararapat imbestigahan ang mga opisyal dahil sa paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Si Sarmiento ay dating pinuno ng PhilHealth Operations Office of the Philippine Overseas Employment Administration of Filipino Professionals (OFP) na namamahala sa National Health Insurance Prog­ram ng mga OFWs at kanilang dependents. Ayon kay Sarmiento, nadiskubre niya ang mga kuwestiyunableng PhilHealth official receipts (PORs) na iniisyu ng liason officers ng iba’t ibang recruitment agencies na nakikipag-transact sa POEA.

Sinabi naman ni PhilHealth chief Ricardo Morales na nagtitiwala pa rin siya sa kanyang mga tauhan sa kabila ng alegasyon sa mga ito. Wala umanong katotohanan ang “fake” premium receipts.

Noong nakaraang taon, nabunyag ang “ghost dialysis’’ kung saan may mga dialysis center na nakikipagkutsaba sa PhilHealth personnel para maka-reimburse sa mga pinekeng nag-dialysis kuno. Dahil sa anomalya, umabot na sa P154 bilyon ang “bogus” claims sa PhilHealth.

Nabisto ang masamang gawain nang dalawang dating empleado ng isang dialysis center sa Novaliches, Quezon City ang nagbulgar na pinepeke ang mga pirma ng pasyenteng nag-dialysis. Ayon sa dalawang empleado ng WellMed Dialysis Center, patuloy ang paniningil nito sa PhilHealth kahit patay na ang dina-dialysis. Inaresto ng NBI ang may-ari ng WellMed at kinasuhan.

Nang sumingaw ang korapsiyon sa PhilHealth, nalanghap ito ni President Duterte at agad sinibak ang chairman at mga matataas na opisyal. Iniupo naman niya si Morales sa puwesto.

Ngayon ay may panibagong batik na naman sa PhilHealth at apektado ang OFWs. Kawawa naman sila kung may katotohanan na hindi nire-remit ang kanilang bilyones na contributions. Paano kung magkasakit sila at inaasahan ang insurance. Im-bestigahan sana ito.

 

PHILHEALTH
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with