EDITORYAL - ‘Killer lambanog’

UMABOT na sa 19 ang namatay dahil sa pag-inom ng lambanog sa Laguna at Quezon. Labindalawa ang namatay sa Rizal, Laguna noong Disyembre 21 at pito sa Candelaria, Quezon noong Disyembre 22. May mga menor-de-edad na namatay. May mga nasa ospital pa pero dineklara nang ligtas.

Marami na ang namatay dahil sa pag-inom ng lambanog at hanggang ngayon, wala pa ring matibay na panuntunan sa paggawa at pagbebenta nito. Paulit-ulit ang mga pangyayari at kapag mayroon na namang namatay, saka lang uli maghihigpit at sandaling ipagbabawal ang paggawa at pagbebenta ng lambanog. Noong Huwebes, sinabi ng Malacañang na pinabubusisi na ni President Duterte ang lambanog poisoning.

Ang chemical na methanol na napo-produce ng lambanog ang itinuturong dahilan ng pagkalason. Ang methanol ay substance na lumalabas sa lambanog habang nasa distilling process. Nararapat alisin ang methanol sapagkat delikado kapag sobra-sobra ang lebel. Ang mga sintomas na nalason ng methanol ay pagsusuka, panlalabo ng paningin at pagkahilo. Ang lambanog ay galing sa tuba ng niyog.

Noong nakaraang taon (Disyembre 5, 2018), walong traysikel drayber ang namatay sa Novaliches, Quezon City dahil sa pag-inom ng lambanog. Nagkaroon ng Christmas party ang mga traysikel drayber at para makatipid sa alak, lambanog ang binili. Ang alak palang iyon ang maghahatid sa kanila sa hukay.

Mauulit ang pagkalason at pagkamatay ng mga umiinom ng lambanog kung hindi maghihigpit ang mga awtoridad partikular ang local government units (LGUs). Karaniwang ginagawa ang lambanog sa mga likod-bahay at “wido-wido” lang ang pamamaraan nila. Karamihan sa kanila ay walang kaalaman ukol dito. Hindi nila alam kung ang niluluto nilang lambanog ay sobra-sobra sa methanol. Tanging ang mga kemiko lamang ang nakaaalam kung mababa o mataas ang lebel ng methanol.

Higpitan ng LGUs ang paggawa at pagbenta ng lambanog. Isalba ang buhay ng mga tao sa barangay na ang tanging iniinom sa mga handaan ay ang murang lambanog. Idaan sa tamang pagsusuri kung ang lambanog na ginawa sa likod-bahay ay ligtas inumin. Huwag nang hintayin na mayroon pang mamatay dahil sa lambanog.

Show comments