EDITORYAL – Mag-PMA at mamatay

MULA nang mamatay si Cadet First Class Darwin Dormitorio noong Setyembre 18 dahil sa pagmamalupit ng kanyang upperclassmen, unti-unti nang naglalabasan sa baul ang mga karumal-dumal na ginagawa ng mga kadete sa kapwa nila kadete. At hindi lamang mga lalaking kadete ang sangkot sa pagmamaltrato kundi pati na rin mga babaing kadete. Nakabalot na sa kultura ng mga kadete sa PMA ang pagmamalupit sa mga baguhan o plebo. Ayon sa report, binugbog si Dormitorio dahil lamang sa nawalang combat boots. Pitong senior cadets, 2 tactical officers at 3 military doctors ang sinampahan na ng kaso kaugnay sa pagkamatay ni Dormitorio.

Ang pagkamatay ni Dormitorio ang nagbukas para mabulgar pa ang mga nangyayari sa premier military school. Kailangan pang magbuwis ng buhay si Dormitorio para malaman na marami pang nangyayaring pagpapahirap sa mga bagong kadete. Sa sobrang pahirap, marami ang naoospital. Ayon mismo sa spokeperson ng PMA, 52 kadete ang na-confine sa ospital sa pagitan ng Setyembre 16 hanggang 27.

Noong Miyerkules, lumabas ang video kung saan 6 na kadete ang nakunan na pinahihirapan ang apat na baguhang kadete. Naganap ang pagpapahirap noong 2017 at 2018. Lima sa mga kadete ang naka-detain na umano. Ang nakapanghihilakbot ang lima ay babaing kadete! Sila ang nakitang nagpapahirap sa mga plebo habang naka-squat position ang mga ito.

Sinabi ni PMA commandant of cadets Brig. Gen. Romeo Brawner Jr. na nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga naganap na hazing at mananagot ang lahat ng sangkot.

Sa nangyayari ngayon sa PMA na mayroong namatay dahil sa pagpapahirap ng kapwa kadete, ma­a­aring maraming magulang ang magdalawang-isip kung hahayaan pang makapasok sa military school ang kanilang anak. Sino ba namang magulang ang hahayaang pumasok sa PMA ang anak -- para mamatay? Hindi pa sumasabak sa labanan pero namatay sa kamay ng mga kapwa kadete. Maliban na lang kung mawala ang kultura ng hazing sa military school.

Show comments