EDITORYAL - Ba’t di subukan na ibawal ang private cars sa EDSA

KUNG anu-ano ang mga naiisip na paraan para mapaluwag ang masikip na EDSA. Ilan dito ay ang pagbabawal sa mga provincial buses na makapasok sa EDSA para hindi maging dahilan nang grabeng trapik. Pero kinatigan ng korte ang mga petitioner na hindi dapat ibawal ang provincial buses sa EDSA kaya hindi natuloy ang balak ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Mayroong nagpanukala na gawin na lamang one way ang EDSA. Lahat ay south bound. Kung one way, tiyak na luluwag dahil maraming lane ang EDSA. Pero sabi ng mga bumabatikos, hindi raw uubra ito sapagkat maraming aayusin sa kalsada at lalong magbubuhul-buhol ang trapiko.

Mayroong suhestiyon na lagyan ng toll ang EDSA na walang ipinagkaiba sa SLEX at NLEX. Lahat nang papasok ay magbabayad ng toll fee. Pero sabi ng mga kritiko, hindi rin ito makakasolb sa trapik dahil kahit may bayad, tiyak na dadagsa ang sasakyan at magsisikip din. Isa pa, kailangang isaayos ang EDSA bago maningil ng toll fee.

Ang isa sa mga pinakabagong suhestiyon para mapaluwag ang EDSA ay ang sinabi ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na ipagbawal dito ang mga pribadong sasakyan tuwing rush hour. Ayon kay Erice, ibawal ang mga private cars mula 6:00 a.m hanggang 9:00 a.m at mula 6:00 p.m. hanggang 9:00 p.m.

Ayon pa kay Erice, dapat bigyang prayoridad ang mga manggagawa at lahat ng mga middle income families na walang sariling sasakyan. Inilahad ni ­Erice ang proposal sa budget hearing ng MMDA. Sabi pa ni Erice, tiyak daw na lalong sisikip ang trapiko ngayong papalapit na ang holiday season.

Bakit hindi subukan ang proposal ni Erice? Mag-eksperimento ang MMDA. Wala namang masama kung susubukan na huwag munang dumaan sa EDSA kung rush hour ang mga pribadong sasakyan. Um­pisahan ito at kung epektibo, ituluy-tuloy na para magkaroon ng kaginhawahan sa pagbibiyahe sa EDSA.

Show comments