Misis na sumugod ng motel, maari bang makasuhan ng trespassing?

Dear Atty.,

Sinugod ko po ang ­aking mister at ang kanyang kalaguyo nang mahuli ko silang pumasok sa isang motel. Noong una ay ayaw pa akong papasukin ng receptionist kaya nakiusap ako sa isa sa mga bellboy na tulungan naman ako upang makapasok sa loob at matunton ang kuwarto ng asawa ko at ang kalaguyo.

Tinulungan ako ng bellboy kaya ako na mismo ang kumatok sa pintuan ng kanilang kuwarto. Sa madaling sabi, malaking eskandalo po ang nangyari na nauwi pa sa pagpapa-blotter ko sa presinto. Matapos ang lahat ay ako pa ang binantaan ng motel ng demanda dahil trespassing daw ang ginawa ko. Makakasuhan po ba talaga ako ng trespassing? -- Mary

Dear Mary,

Ayon sa Article 280 ng ating Revised Penal Code, walang krimen ng trespassing kung ang taong inaakusahan nito ay pumasok sa isang lugar ng bagama’t walang pahintulot, ay ginawa ito upang mailigtas ang kanyang sarili o ang iba mula sa lubhang kapahamakan o upang makagawa ng kabutihan. Hindi rin trespassing ang ginawang pagpasok ng walang pahintulot kung ang lugar na pinasok ay café, tavern, inn o iba pang katulad na pampublikong lugar at bukas pa ito sa publiko nang ito ay pasukin ng inaakusahan ng trespassing.

Base sa mga nabanggit, hindi ka nag-trespass sa motel dahil isa naman itong pampublikong lugar at bukas naman ito para sa lahat nang ika’y pumasok. Hindi rin makakapagkaila ang pamunuan ng motel na sarado na ito sa publiko nang pumasok ka dahil nadatnan mo nga sa loob ang iyong asawa.

Maari ring sabihin na hindi trespassing ang iyong ginawa dahil may pahintulot naman ang iyong pagpasok dahil isa sa mga tauhan nila ang nagpapasok sa iyo sa loob ng motel.

Nais ko lamang ipaalala na ang payong ito na ito ay para lamang sa ginawa mong pagpasok ng motel. Maaring may iba pa silang puwedeng ireklamo sa iyo base sa iba mo pang na­ging aksyon nang pasukin mo ang motel lalo na’t sinabi mong nauwi sa eskandalo ang pangyayari.

Show comments