Pasimuno sa pagbebenta ng China flags sa Luneta, tukuyin
Napakagandang pagmasdan ang nagkalat at wumawagayway na mga bandila ng Pilipinas sa iba’t-ibang lugar.
Kaalinsabay na rin ito ng pagdiriwang ngayon ng ika -121 taon ng Araw ng Kalayaan.
Eto nga lang, huwag sanang topakin na naman ang ilang mga gumagawa ng kalokohan at palitan ang bandila ng Pinas ng watawat ng China.
Marami talaga ang mga moloko at mga pasaway na mapaggawa ng isyu at kung ano-ano ang ginagawa para lang palabasin na ‘tuta’ tayo ng China.
Nitong nakalipas na mga araw, hindi nga ba’t kumalat sa social media ang pagpapabenta ng mga watawat ng China sa may Luneta.
Hindi nga ba’t kumanta na ang mga inutusan na kanilang binayaran para magbenta nito.
Tapos kinunan habang nagbebenta ang kanilang mga inutusan, at ang gagaling sila rin naman ang nagpakalat sa social media.
Bukong-buko na kayo, at talagang ang paninira at panggugulo sa gobyerno ang inaatupag, na talagang ginagastusan.
Talagang isinasabay sa pagdiriwang ng bansa ng Araw ng Kalayaan.
Hindi nga ba’t magdiriwang din noong nakaraang taon ng Independence Day nang ikinabit at ipaskil sa mga footbridge ang naglalakihang banner na nakalagay eh probinsiya tayo ng China.
Ang tindi ng mga ito, talagang malilikot ang isipan sa kalokohan.
Dapat talagang maibestigahan kung sino ang nasa likod ng ganitong mga propaganda.
Nangako naman ang pamunuan ng PNP na kumikilos na sila para matukoy ang mga sangkot dito, lalu pa nga’t ang ilan sa mga kumausap sa inutusang magbenta ay nakunan ng CCTV na nakakalat sa lugar.
Dapat sa mga ito patugain nang husto para matunton kung sino ang pasimuno.
Kung lehitimo ang isyung nais ipaglaban ng mga ito, dapat lumantad at idaan sa tamang paraan ang kanilang ipinaglalaban.
- Latest