EDITORYAL - ‘Amat’ ang PDEA
(Pang-masa) - May 25, 2019 - 12:00am

TAMA o “amat” ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kahilingan sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na ipatigil ang pag-eere ng “Amatz” ni Shanti Dope. Ayon kay PDEA director Aaron Aquino, pinu-promote ng “Amatz” ang paggamit ng marijuana at iba pang droga kaya hiniling niya sa MTRCB na maitigil ang pag-ere nito. Bukod sa MTRCB, hiniling din niya sa Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM) na huwag gamitin ang kanta sa media promotion.

Malinaw aniya sa kanta na ang tinutukoy dito ay ang mataas na epekto ng marijuana na natural at walang halong kemikal. Nanghihikayat ito sa mga makakarinig na gumamit ng marijuana at hindi ito magandang halimbawa sa mga kabataan. Ayon kay Aquino, mataas ang pagtingin niya sa mga artist at music industry pero ang kantang “Amatz” ay hindi katanggap-tanggap lalo pa nga’t may kampanya ang pamahalaan laban sa bawal na droga.

Tama ang PDEA sa kahilingang ipagbawal ang pag-ere ng “Amatz”. Hindi nga naman ito magandang pakinggan na para bang ipinu-promote ang epekto at lakas ng tama ng marijuana.

Sa mga nakaraang linggo, sunud-sunod ang pagkakahuli sa mga high school students na nagtutulak ng marijuana. Sa kabila nang matinding kampanya ng pamahalaan, wala nang takot ang mga kabataan sa pagtutulak at tila hindi na sila nagagabayan ng kanilang mga magulang.

Katwiran ng mga nahuhuling estudyante, mabilis itong pagkakakitaan. Sa kapwa estudyante nila ibinebenta ang marijuana. May nagsabing dahil sa kahirapan ng buhay kaya nila nagawang magtulak.

Kung hindi ipatitigil ang “Amatz” makapagbibigay pa ito ng inspirasyon sa mga estudyante na magtulak pa. Tama ang PDEA sa hakbang laban sa “Amatz”. Hindi tama ang kanilang mensahe.

 

PDEA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with