Sec. Villar, kailangan ang tulong mo rito
BITAG - Ben Tulfo (Pang-masa) - May 23, 2019 - 12:00am

SAAN mang lupalop ng Pilipinas, nakararating sa aming action center ang iba’t ibang uri ng reklamo – pang-aabuso, pangma-maltrato, panlalabis, panloloko, o maging kapabayaan.

Personal pang sinasadya ng ibang mga nagre-reklamo ang aming tanggapan para lang maiparating sa amin ang kanilang kalbaryo. Kung hindi na kasi kumikilos ang kinauukulan,  Pambansang Sumbungan na ang sunod nilang takbuhan.

Nitong Martes, lumapit sa aming tanggapan ang isang concerned citizen na inire-reklamo ang nakatiwangwang na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang lugar sa Sogod, Southern Leyte.

July 18, 2017 pa nagsimula ang proyektong pagpapaayos ng kalsada mula Farm to Market road na sakop ng Bgy. Suba, Brgy. Buac Daku at Bgy. Buac Gamay ng Sogod, Southern Leyte.

Sa karatula, halagang P44,408,803.60 ang budget na inilaan para sa proyekto sa ilalim ng Department of Agriculture. Pero ang nakapagtataka, blanko ang completion date. Hindi tuloy malaman kung kailan ba talaga nakatakdang matapos ang kalsada.

Sa aking panayam kay DPWH-Region 8 Director Engr. Nerie Bueno, aminado siyang may pagkakamali ang kanilang tanggapan sa nakatiwangwang nilang proyekto. Pero sisilipin at iimbestigahan pa kung may pagkukulang din ang contractor na Unimaster Con Glomeration Inc.

Sa ngayon, tinabunan na lang ng buhangin at graba ng contractor ang iba’t ibang parte ng kalsada na hindi pa tapos. Dismayado tuloy at hirap pa rin sa transportasyon ang mga taga-Sogod, Southern Leyte lalo kung tag-ulan.

Sa sumbong na ito, malaki ang tiwala ko sa kakayahan ni DPWH Sec. Mark Villar. At sa pamamagitan ng kolum na ito, pinapahatid ko ang sumbong sa kanyang atensiyon.

Sabi nga niya noon sa akin sa isang interview, hinihikayat niya ang publiko na maiparating sa kanyang tanggapan ang mga proyektong di umuusad lalo na sa mga malalayong probinsiya.

Hindi puwedeng palampasin ang ganitong klase ng kapabayaan lalo’t pera ng taumbayan ang pinanggagastos sa proyektong para rin naman kaginhawahan ng taumbayan.

Mga boss, ganito ‘yung mga hinahanap naming sumbong galing probinsiya. Hinihikayat namin ang lahat ng mga kababayan natin saan mang rehiyon o probinsya na magsumbong.

Hindi man kayo makapunta sa aming tanggapan ng personal, bukas ang mga helpline sa pamamagitan ng aming nga Facebook Pages: Bitag Live, Bitag New Generation at Bitag Multimedia Network, website- bitagmedia.com at email bitagpambansangsumbungan@gmail.com

Lakipan lang nga mga litrato o video na may kinalaman sa inyong sumbong. May mga investigators kaming makakausap niyo online.

DEPARTMENT OF PUBLIC WORKS AND HIGHWAYS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with