Utol (144)

“NATUTUWA ako sa magandang kapalaran mo, Xander,’’ sabi ni Dino. ‘‘Ang akala ko, mananatili ka na sa pagiging basagulero mula nang mangyari ang panlalait sa’yo. Salamat at nabago ang buhay mo. Masaya ako at malaki ang naging pag-unlad ng buhay mo. Nasa tuwid ka nang landas.’’

‘‘Salamat, Dino. Alam mo, hindi naman talaga ako likas na basagulero, suplado, mainitin ang ulo, pikon o anupaman --- naging ganun lang ako dahil sa naghahanap ba ako ng mga taong makakaunawa sa akin. Isa pa, hinahanap ko rin ang aking ama. At lalo pa nga akong naging mainitin ang ulo mula nang mamatay si Mama. Alam mo naman, si Mama lang ang tangi kong tagapagtanggol. Kaya nang mamatay siya, para bang nawala ako sa direksiyon. Pero, kaya kong magbago. Naiisip ko rin naman na mali ako at dapat akong magbago.’’

‘‘Alam ko naman noon pa na hindi ka talaga basagulero, palaaway o masama ang ugali. Magkaklase tayo mula first year hanggang fourth year di ba. At noon pa, madalas na kitang nahuhu-ling nakatingin kay Anna. Nasa likuran mo ako kaya nasusubaybayan ko ang kilos mo. Madalas kong mahuli na lumilingon ka para makita si Anna.’’

Nagtawa si Xander.

‘‘Para ka palang matang-lawin, ha-ha-ha! Lahat pala nang kilos ko e nakikita mo. Dapat pala sa’yo e nag-PSG sa husay mong mag-obserba.’’

Nagtawa si Dino.

‘‘Talagang keen observer ako. Kaya nang magkakasama tayo sa group pro-ject e talagang nalaman ko na mabait, matino at res­ponsible.’’

‘‘Sobra-sobra na ang papuri mo sa akin Dino. Ano ba ang gusto mong regalo? Sabihin mo lang at baka kaya ko.’’

“Wala. Basta lagi kang dumalaw dito sa ating bayan para lagi tayong magkakumustahan.’’

“Oo lagi akong dadalaw dito. Kaya nga ako narito e para dalawin ang puntod ni Mama at ipagagawa ko ang musoleo niya. Ililipat ko siya sa isang memorial park.’’

‘‘So magtatagal ka pala rito, Xander.’’

“Mga dalawang buwan siguro, Dino.’’

“Aba e di puwede kong maipagtanong ang address ni Anna sa Maynila. Bukas, pupuntahan ko ang best friend niya sa Nagcarlan at makikibalita ako kay Anna.’’

“Pakiusap lang Dino na huwag mo nang sabihin na ako ang nagpapatanong. Ta-yong dalawa na lamang ang nakaaalam. Please, Dino.’’

“A oo. Tayong dalawa lang, Xander.’’

“Salamat Dino. Marami na talaga akong utang sa’yo. Basta sabihin mo lang kung ano ang iyong kailangan at handa akong tulungan ka.’’

“Salamat, Xander.’’

NATAPOS ang pinagagawang musoleo ni Xander para sa kanyang mama. Mga ilang araw na lamang ang ilalagi niya sa Liliw at uuwi na siya.

Sa loob ng dalawang buwan na pamamalagi sa Liliw, wala siyang nakuhang impormasyon tungkol kay Anna. Pinuntahan na lahat ni Dino ang mga kaibigan ni Anna pero walang nakaaalam kung nasaan ito.

Nang araw na paalis na si Xander sa Liliw, nagpasya siya na sa Maynila magpunta. Hahanapin niya si Anna!

(Itutuloy)

Show comments