EDITORYAL - Basurahan ang Manila Bay

NAPAKARUMI ng Manila Bay. Puwede na rin itong tawaging “cesspool” gaya nang sinabi ni President Duterte sa Boracay. Mas maganda kung ito naman ang pagtutuunan ng galit ng Presidente. Kapag nagalit siya, biglang nagiging malinis ang marumi gaya ng Boracay. Kailangan din naman ang “bangis” ni DENR Sec. Roy Cimatu para maging malinis ang Manila Bay.

Maraming basura sa Manila Bay at mga informal settlers ang nagtatapon nito. Dahil sila ang nakatira sa mga pampang ng ilog at estero, tapon na lang sila nang tapon. Hindi na sila lalayo pa para magtapon ng kanilang basura. Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit hindi maubus-ubos ang mga nakalutang na basura sa dagat at sa mga estero.

Lahat nang mga basura na itinatapon nila sa mga estero, Pasig River at iba pang water ways, tatangayin lahat sa Manila Bay. Namumutiktik ang basura at aanurin ito patungo sa baybayin ng Roxas Boulevard. Makikita ang mga basurang ito ng mga namamasyal sa Luneta at maski ng mga nakatira sa condo.  Makikitang sobra nang polluted ang Manila Bay at naaamoy pa ang karumihan nito.

Sinabi mismo ni DENR Sec. Roy Cimatu na ang mga informal settlers sa Maynila at iba pang lungsod at bayan na nasa paligid ng Manila Bay ang dapat sisihin kung sobra na itong polluted. Lahat umano ng basura ng mga nakatira sa dalampasigan ng Manila Bay at mga pampang ng estero ay humahantong sa dagat. Pinag-iisipan na umano ng kanyang tanggapan kung paano ire-relocate ang mga squatters. Makiki-pag-meeting umano siya sa local governments at iba pang ahensiya sa posibleng paglilikas ng mga squatters. Hindi raw simple ang gagawing pag-relocate pero sisikaping magawa ito. Makikipag-usap umano sila sa mga pamilyang nakatira sa mga baybayin ng Manila Bay at mga estero.

Matagal nang problema ito. Marami nang pina-ngako ang bawat administration na ililipat ang mga squatters. Pero lahat ay pawang sa salita lamang. Dahil sa ningas-cogon na ugaling ito ng mga namumuno, lalo pang dumami ang mga squatters at ang resulta, dumami pang lalo ang basura at naging polluted ang Manila Bay. Kailangan na ang pagkilos ng DENR sa problemang ito.

Show comments