Problema sa droga, matindi pa rin!

Aminado  ang mga awtoridad na malaki pa rin talaga ang problema sa illegal drugs sa bansa.

Sa kabila kasi ng serye ng mga isinagawa at isinasaga-wa pang operasyon, aba’y kabi-kabila pa rin at mistulang hindi nauubos ang mga illegal drugs sa kasalukuyan at ngayon nga’y nasusumpungan maging sa  maliliit na mga barangay.

All out war ang inilunsad laban dito, matapos na maupo si Pangulong Digong.

Ilan na ang nasawi sa malawakang kampanya at pagkaaresto sa iba pa. Bukod pa nga sa daang libong nagsisukong pusher at mga user, na nangakong tatalikdan ang masamang bisyo.

Malalaking shabu lab ang nadiskubre at bulto-bulto ng shabu at mga kemikal sa paggawa nito ang nasamsam na ng mga awtoridad.

Pero, ika nga gagawa at gagawa ng mga bagong modus o pamamaraan ang mga taong sangkot dito ‘wag lang matigil ang kanilang operasyon.

Nakikita nga kasing isang dahilan kung bakit walang takot ang ilan ay dahil na rin sa kawalan ng matinding batas ukol dito.

Dito na pumapasok ang pananaw ng iba na dapat na umanong maibalik ang parusang kamatayan sa mga drug related crimes tulad na ipinatutupad sa ibang bansa.

Sa kabila ng agresibong kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, nakagagawa ng ibang paraan ang mga sindikato para ito maipasok sa bansa.

Kapag naipasok na, kakalat na hanggang sa ibaba. At sa level na ito para-paraan din ang ginagawang pagdi-dispose at maging ang paggamit sa kalakal.

Hindi nga ba’t kamakalawa lang sa Cavite, isang di kalakihang hukay ang ginawang drug den. O hindi ba paraparaan?

Isang pang naikitang dahilan ay ang matinding korupsyon na nagaganap kaya madaling nakakapasok ang illegal drugs.

Kahapon pormal nang kinasuhan ng PDEA ang 49 katao sangkot umano sa pagpuslit ng P11 bilyon halaga ng shabu.

Kabilang nga dito ang ex-PDEA top executive, Customs official, police official at iba pa.

Show comments