Pasaway at isnaberong taxi drivers, kalusin!
RESPONDE - Gus Abelgas (Pang-masa) - December 7, 2018 - 12:00am

Kailangan na talagang matutukan nang husto ng mga kinauukulan, ang mga pasaway, isnabero at supladong mga taxi driver na naglilipana na naman sa kasalukuyan.

Marami ang nagparating ng reklamo sa Responde ukol sa pang-aabuso at pambibiktima na naman ng mga ito.

Karamihan sa mga biktima ay yung sumasakay sa paligid ng mga malls.

Siyempre pa, dahil sa palapit na talaga ang holiday seasons marami sa ating mga kababayan ang ngayon ay namimili. Kaya dahil sa hirap o bigat ng kanilang bitbit kung kaya napipilitang kagatin na ang pangongontrata ng mga taxi driver na talaga naman daw abuso at sobra-sobra na.

Madalas galit pa raw ang mga ito kung tatawad ang pasahero na napilitang kagatin ang pangongontrata.

Pa-importante ngayon ang mga ito na nananamantala dahil alam nilang in-demand sila sa ganitong panahon.

 Paparahin ng pasahero, titigil saka magtatanong kung saan. Kung hindi kursunada ang lugar kokontratahin ang pasahero at kapag ‘di pumayag lalayasan ang kawawang mananakay.

Aba’y talagang walang awa ang iba, kahit may kasamang bata o matanda iisnabin ng marami sa mga ito.

Kailangan na rin sigurong paligiran ng maraming CCTV na nakatutok sa mga lansangan at sakayan ang paligid ng mga mall at mga pasyalan para mahagip ang mga ganitong uri ng mga drivers.

Sana rin ay maglagay ng mga awtoridad o operatiba sa mga sakayan para manmanan ang ganitong mga uri ng driver.

Hindi lang sa paligid ng malls nagaganap ang ganitong pang-aabuso ng ilang pasaway ng taxi drivers kundi sa maraming lansangan sa kasalukuyan.

Dapat mas mataas na kaparusahan ang ipataw sa mga ito, dahil talaga nga namang walang kadala-dala.

TAXI DRIVER
Philstar
  • Latest
Latest