EDITORYAL - Maraming natakot sa bakuna

DUMARAMI ang kaso ng tigdas (measles) sa ilang lugar sa Mindanao. Ayon sa report, maraming nagkakatigdas sa mga lugar na may conflict. Tinata-yang 17,300 na mga bata ang nagkatigdas sa Mindanao, ayon sa report ng mga doctor at mga opisyal ng World Health Organization (WHO). Mas marami umano ang nagkatigdas ngayon (Enero hanggang Nobyembre 2018) kaysa noong nakaraang taon. Apat na bata na ang naiulat na namatay sa Mindanao dahil sa tigdas.

Sabi ng isang opisyal ng Philippine Foundation for Vaccination sa isang forum kamakailan, nawala na raw ang tigdas dahil sa pagbabakuna pero ngayon ay muli na namang nananalasa. Nakababahala raw ang ganitong nangyayari sapagkat nasa panganib ang mga batang magkakatigdas.

May ilang dahilan na binanggit ang opisyal kung bakit bumabalik sa dati ang pagkalat ng tigdas. Una ay ang pagiging scientifically illiterate ng mga Pilipino at ikalawa ay ang takot sa bakunang Dengvaxia kung maraming naiulat na namatay na mga bata makaraang turukan para sa sakit na dengue. Bumaba umano ng 93 percent ang tiwala ng mamamayan sa bakuna dahil sa idinulot na kontrobersiya ng Dengvaxia.

Dapat daw maibalik ang pagtitiwala ng mga magulang sa pagbabakuna laban sa tigdas para mailigtas ang mga bata. Kung hindi raw maibabalik ang tiwala sa vaccination, nasa panganib ang mga bata.

Hindi masisisi ang mga magulang kung mawalan ng tiwala sa bakuna dahil sa Dengvaxia. Sa pagsusuri sa mga namatay na bata, nagkaroon ng pagdurugo sa internal organ, paglaki ng puso at atay at iba pang sakit na ayon sa mga magulang ay lumutang makaraang mabakunahan ng Dengvaxia. Sabi pa ng ilang magulang, hindi raw nila alam na nabakunahan ang kanilang anak habang nasa eskuwelahan.

Nagkaroon ng dengue immunization noong Abril 2016 at nasa 800 school children mula sa National Capital Region, Central Luzon at Region 4 ang nabakunahan. Ang Dengvaxia ay binili ng pamahalaang Aquino sa halagang P3.5 bilyon sa Sanofi Pasteur isang kompanya sa France. Pero noong Nobyembre 2017, sinabi ng Sanofi na magkakaroon ng severe dengue ang sinumang nabakunahan na hindi pa nagkaka-dengue. Ang Dengvaxia ay para lamang sa nagka-dengue na.

Kailangang gumawa ng hakbang ang DOH para maibalik ang tiwala ng publiko sa bakuna. Kailangang mabakunahan ang mga bata lalo ngayong uso ang tigdas.

Show comments