Mga pulis sa New York, nagtulung-tulong sa paghahanap sa engagement ring na nahulog sa imburnal

IPINAGMAMALAKING inanunsyo ng New York Police Department (NYPD) na makukuha muli ng isang magkasintahan mula sa England ang nawawala nilang engagement ring matapos itong mahulog sa isang imburnal sa Times Square sa gitna ng pagpo-propose ng lalaki.

Noon pang Sabado hinahanap ng NYPD ang magkasintahan matapos nilang matagpuan ang singsing na sumabit pala sa takip ng imburnal.

Nasa Times Square ang magkasintahan bago maghatinggabi noong Biyernes, kung saan nag-alok ng kasal ang lalaki sa kanyang girlfriend dakong 11:55 p.m.

Ayon sa pulis, nabitawan ng lalaki ang singsing kaya ito nahulog sa imburnal.

Humingi ng tulong ang dalawa sa mga pulis, na nabigo nang kanilang una nilang subukang hanapin ang singsing.

Na-recover ng mga pulis ang singsing noong Sabado ngunit umalis na ang magkasintahan na hindi iniwan ang kanilang pangalan at contact information.

Mabuti na lamang at sa tulong ng social media, natagpuan ng NYPD ang magkasintahan, na nakabalik na pala ng England.

Nakilala ang magkasintahan na sina John Drennan at Daniel­la Anthony ng Peterborough, England. Tuwang-tuwa sila nang malaman na natagpuan ng NYPD ang singsing. Isang kaibigan nila ang nag-post ng balita sa Facebook.

Ayon sa mga pulis, makukuha na ng dalawa ang kanilang engagement ring anumang oras na gustuhin nila.

Show comments