EDITORYAL - Totohanin, paggiyera sa mga plakang ‘8’

WALA raw sasantuhin ang Philippine National Police (PNP)-Highway Patrol Group (HPG), sa mga gumagamit ng plakang “8”. Gigiyerahin daw lahat ganundin ang mga may commemorative plates. Kahit pa raw pulitiko ang nagmamaneho, huhulihin nila.

Ang pagbabanta ng PNP-HPG ay kaugnay sa panununtok ng isang lalaki sa kapwa motorista dahil sa gitgitan sa kalsada sa Angeles City, Pampanga noong nakaraang linggo. Ang lalaking nanuntok ay nakilalang si Jojo Valerio, may-ari ng SUV ay may plakang “8”. Nang maaresto si Valerio sinabi niyang muntik na umano siyang mabangga nang nakaalitang motorista. Hindi naman niya inamin kung saan nakuha ang plakang “8”.

Marami nang insidente kung saan nasangkot ang mga sasakyang may plakang “8”. Ang plakang ito ay iniisyu sa mga mambabatas. Pero dahil sa pag-abuso ng mga nagmamaneho nito, ipinag-utos ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez noong Agosto 2016 na isauli ng mga mambabatas ang plakang “8” na iniisyu sa mga ito. Isang memorandum ang ipinalabas ni Alvarez ukol dito. Ayon sa memorandum maraming sasakyan na may numero “8” ang nakikita sa mga di-kanais-nais na lugar. Inaatasan ang mga mambabatas na isauli ang mga plaka sa office ng secretary general.

Hanggang ngayon pala, hindi nasunod ang utos ng dating Speaker. Kaya pala bukod sa nasasangkot sa road rage, marami ring sasakyang may plakang “8” ang naiispatan sa parking area ng mga establisimentong may kumukutitap na ilaw. May nakaparada sa harap ng sikat na KTV bar sa Quezon City.

Marami pang insidente ang naireport na sangkot ang mga sasakyang may plakang “8”. Kabilang dito ang paglabag sa trapiko kung saan walang pakundangan kung lumusot sa traffic light kahit dilaw na ang ilaw na lubhang mapanganib sa iba pang motorista. Hindi naman mahabol ng mga traffic enforcers sapagkat natatakot silang sitahin o  tiketan si “Congressman”.

May nasampolan na umano ang PNP-HPG na mga sasakyang may plakang “8”. Dalawa na umano ang naaresto nila. Sana, tuluy-tuloy na ito at hindi sana ningas-kugon lang.

Show comments