Isang tawag ni BITAG, aksyon agad!

ANG kalsada ay ginawa para madaanan ng mga tao’t sasakyan. Pero kung ang kalsada ginawang isang malaking parking lot at business area, nagiging inutil na ito.

Gaya ng reklamo ng isang concerned citizen sa BITAG Kilos Pronto. Masikip, makitid at peligrosong kalsada sa Taguig.

Pinadala sa aming Facebook page ang litrato ng mga sasak-yang nakahambalang sa daan. Sa rami ng sasakyan, nagmistulang parking lot ang kalsada at halos ‘di na madaanan.

Kaya naman ang mga residente sa lugar, napipilitang maki-pag-patintero sa mga nakahambalang at dumadaang sasakyan. Kanilang daing, paano na lang ang kanilang kaligtasan?

Kung naging inutil na ang daan, inutil din ‘yung nakakasakop na kapitan. Kapitan, makinig ka. Natutulog ka ba sa pansitan? Ikaw ang may responsibilidad sa nasasakupan mo. Pero anong ginagawa mo? Pinapahinog mo ba yang bombolyas mo?

Kaya naman agad namin itong inilapit kay Bong Nebrija, supervising operations officer ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Isang tawag lang namin, aksyon agad ang mga tropa sa MMDA.

Pangako niya, bubulabugin niya ang nasabing lugar nang maalarma ang mga putok sa buhong nagmamay-ari ng mga sasakyan.

Agad papupuntahan para ipatigil ang kanilang katarantaduhan. Para na rin mapakinabangan ang kalsada at maging ligtas ang bawat dumaraan. Ganun lang kasimple, kilos pronto!

Sa tulong ng bawat alagad ng batas (na matino), nalulutas lahat ng mga dinudulog sa’min. Malaki man o maliit ang inyong reklamo, agad naming sosolusyonan.

Sa mga may ganitong klaseng sumbong, ‘wag mag-atubiling lumapit sa aming action center. O kaya naman ay mag-iwan ng mensahe kasama ang pictures at videos sa aming mga lehitimong Facebook pages at sa aming email address, bitagkilospronto@gmail.com.

 

Show comments