Drone sa Czech Republic, tinangkang magnakaw ng bisikleta

ISANG grupo ng mga nagulantang na siklista ang nakakuha ng video kung saan makikita ang high-tech na tangkang pagnanakaw sa bisikleta ng isang drone

Makikita sa video, na ni-record sa Hustopece, Moravia, Czech Republic, ang pag-akyat ng mga siklitsa sa isang tore na kung tawagin ay Lookout Tower habang kinukuhanan nila ng video ang paglipad ng isang drone.

Plano lang nilang panuorin ang drone kaya naman la-king gulat nila nang bigla na lang bumaba ang lipad nito at tinungo ang kinaroroonan ng kanilang mga bisikleta.

Agad tuloy nagtakbuhan ang mga siklista pababa mula sa kanilang kinatatayuan sa tuktok ng tore sa pag-asang maabutan nila ang drone bago nito tangayin ang kanilang mga bisikleta.

Sa bilis ng drone ay hindi nila napigilan ito sa pagdagit sa isa sa kanilang bisikleta kaya walang nagawa ang isa sa mga siklista kundi ibato na lang ang kanyang helmet sa drone habang papalipad ito palayo.

Natapos ang video na makikitang hinahabol pa rin ng mga siklista ang drone. Mabuti na lamang at naawa sa kanila ang operator nito dahil ayon sa kumuha ng video ay inilaglag din ng drone ang nakulimbat nitong bisikleta ilang daang talampakan mula sa dating puwesto nito.

Show comments