EDITORYAL - Hanggang ngayon, wala pa silang bahay

NOONG Huwebes, ginunita ang ikalimang ani­bersaryo ng pananalasa ng Bagyong Yolanda sa mga probinsiya sa Kabisayaan, lalung-lalo na sa Eastern Samar na grabeng tinamaan at mara-ming namatay. Ang nakakagalit, hanggang ngayon, marami pa rin sa mga nasalanta ang wala pang bahay. May mga nakatira pa sa mga bunkhouses, nakikitira sa mga kamag-anak at mayroong nagtayo sa kung saan-saan na lang. May mga nakatira na sa ginawang bahay ng National Housing Authority (NHA) pero nagdurusa pa rin sila sapagkat walang kuryente at tubig. Dusa sila sa tag-ulan sapagkat bumabaha dahil walang drainage system at mas lalong dusa kung tag-araw sapagkat sobrang init na halos malitson sila sa loob ng bahay.

Inirereklamo naman ng karamihan na ang mga ginawang bahay ay marurupok sapagkat walang mga patigas na bakal. Nadiskubre nila na mga kawayan ang ginawang patigas kaya maaaring maguho ang kanilang tirahan. May isang pamilya na hindi natutulog sa loob ng bahay pagsapit ng gabi sa takot na bumagsak ito at matabunan sila. Kaya sa lumanng pampasaherong dyipni na lamang sila natutulog. Mas safe pa raw sa dyipni kaysa sa bahay.

Maraming nasayang na proyektong pabahay sa Eastern Samar. Ayon sa mga residente, ang mga sini­mulang bahay ay hindi na tinapos at karamihan sa mga ito ay kinakalawang na ang mga bakal. Nasayang lamang umano ang pera ng gobyerno gayung marami ang naghihintay na magkaroon ng sariling bahay. Nagtataka sila kung saan napunta ang malaking pondo para sa pabahay. Bakit hindi matapus-tapos ang mga ito?

Ayon sa annual report ng Commission on Audit (COA) na inilabas noong nakaraang Agosto, 41 percent (84,295) lamang sa 205,128 na mga bahay ang nakumpleto. Sa kabuuan, 28,395 mga bahay lamang ang naokupahan. Nasa 55,900 na mga bahay naman ang hindi nakumpleto at karamihan ay nasisira na sa kasalukuyan.

Tapusin na ang kalbaryo ng Yolanda victims. Limang taon na silang nagdurusa. Nasa kamay ng kasalukuyang pamahalaan ang hinaharap ng mga kawawang biktima. Kailangang wakasan na ang kanilang miserableng pamumuhay.

Show comments