Ang pangit kong love story

(Last part)

… kung noong una ay babaeng may maliit na baywang at malaking boobs ang aking kaagaw, ang magiging kaagaw ko pala sa bandang huli ay mas malakas ang dating…si kamatayan!

ISINAMA akong mag-disco ng aking boardmate kasama ang kanyang barkada. Noon ko nakilala ang lalaking magiging boyfriend ko sana. Pagtapos ng napakasayang gimik nang gabing iyon, regular na siyang tumatawag sa telepono. O, kaya ay bumibisita sa boarding house tuwing Linggo.

Tatlong buwan matapos kaming magkakilala, ako ay umuwi na sa aming probinsiya dahil summer vacation. May plano siya na bibisitahin niya ako sa probinsiya para makilala ang aking pamilya. Sa boarding house, para hindi ako magbayad ng renta habang bakasyon, pumayag akong iparenta pansamantala ng aming landlady ang aking space sa isang reviewee ng nursing board exam.

Araw-araw ay hinihintay ko ang kanyang pagdating. Plano kong sagutin siya kapag dinalaw niya ako sa aming bahay. Pero lumipas ang mga araw hanggang sa matapos ang summer break, hindi niya tinupad ang kanyang pangako. Pagluwas ko ng pasukan, isang malungkot na balita ang sumalubong sa akin: Nagkasakit at pumanaw na si Jef. Inihatid siya sa huling hantungan sa kanyang probinsya sa Iloilo isang buwan na ang nakakaraan. Isa kayang masamang senyales ‘yun manonood sana kami ng sine nang pagpasok namin ay nagtakbuhan palabas ang mga tao dahil may sumigaw ng SUNOG! Isang araw iyon bago ako umuwi ng probinsiya. Iyon ang huli naming pagkikita.

Nagkataon lang kaya na pulos letter J ang simula ng pangalan ng mga lalaking naging bahagi ng aking Pangit na Love Story? Jessie ang lalaking nagka-crush sa akin noong grade one; Juan Miguel ang itinukso sa akin noong high school; Joseph ang boardmate na itinukso sa akin; James ang “creepy” kong manliligaw at ang pinakahuli at muntik ko nang maging boyfriend na si Jef. Lalaki rin ang gusto ni Juan kaya kahit isanlibong taon akong itukso sa kanya, tatanda lang akong dalaga nang nakadilat.

Show comments