EDITORYAL - Malupit na school administrator

MAY “no-bag” policy sa isang school sa Libmanan, Camarines Sur. Ayon sa report, ang policy ay ipinatutupad sa tinatawag na “Tatsumaki Day” ng Bicol Central Academy (BCA) kung saan, ang mga estudyante ang mag-a-act na guro habang ang kanilang mga guro ay nasa conference. Ang mga estudyante umano ay naka-business attire kaya hindi dapat magdala ng anumang school bag o kahit na backpacks. Masama raw tingnan na naka-attire pero may mga dalang bag. Pero maraming estudyante ang hindi sumunod sa policy at nagdala rin ng bag at backpacks.

Ang pagsuway na ito ang ikinagalit umano ng BCA administrator na nakilalang si Alexander James Jaucian. Ipinag-utos umano ni Jaucian na sunugin ang mga bag at backpack sa quadrangle ng school. Ayon sa report, galit na galit umano si Jaucian at tinawag pang istupido ang mga estudyante.

Habang sinusunog umano ang mga school bag at backpack, wala pa ring tigil sa pagsasalita ang school administrator. Ayon sa mga estudyante, ang mga bag na sinunog ay may lamang cell phone at laptop. Takot na takot umano ang mga estudyante sa administrator kaya hindi na nila nakuha ang mga gamit nila sa bag at hinayaan na lamang na masunog.

Ayon sa mga estudyante, hindi raw nila inaasa­hang ipasusunog pa ng school administrator ang mga bag dahil ang una raw lang nitong ginawa ay pinagkukumpiska ang mga bag at saka itinapon sa basurahan. Shock daw sila nang ipag-utos na sunugin ang mga bag.

Isang dating mag-aaral umano sa BCA ang nag-upload sa Facebook ng pangyayari at nag-viral. Sinulatan na ng DepEd ang pamunuan ng BCA at pinagpapaliwanag. Tatlong araw ang binigay na palugit sa malupit na administrator.

Nararapat tanggalan ng lisensiya sa pagtuturo ang administrator. Napakalupit naman niya dahil sa pagkakamaling magdala ng bag ay ipasusunog ang mga ito. Nakaka-trauma ang ganito sa panig ng mga estudyante. Dapat mabigat na parusa ang ipataw para hindi pamarisan. Hindi siya dapat mamuno sa eskuwelahan.

Show comments