Mga perwisyong negosyo, si BITAG bahala sa inyo!

KILALA sa buong mundo ang lahing Tsino bilang magagaling na tao sa paghawak ng negosyo. Samantalang tayong mga Pinoy, kilala sa pagiging masipag at determinado pagdating sa pagtatrabaho kaya’t ang iba sa atin ay may kanya-kanya ring negosyo para mapagkuhanan ng extra income.

Sino ba naman ang taong hindi gusto umasenso? Maliit o malaki mang negosyo ay lubos na makakatulong sa pag-unlad ng isang indibidwal.

Problema nga lang marami pa rin na mga negosyanteng matitigas ang ulo at hindi sumusunod sa mga proseso na itinakda ng mga tanggapan ng gobyerno. Ang bulok na siste na ‘to karamihan nasa National Capital Region na siyang sentro ng komersyo!

Sa pagdaan ng panahon, marami nang na-engkwentro ang aming grupo na mga namemerwisyong negosyo! Ang mga putok sa buho, may iregularidad na ginagawa at puro panloloko.

Hindi sa pagmamayabang, kung iisa-isahin natin ang mga negosyo na aming napasara baka abutin tayo ng bukas karamihan sa mga ‘to mga ahensya, resort at veterinary clinic.

Ang mga putok sa buho, gusto lang kumubra ng salapi pero walang pakialam sa ibang tao at komunidad. Hindi man lang naisip ang seguridad at sanitasyon ng ibang tao.

Kaya para sa agarang aksyon, ang aming takbuhan Business Permit and Licensing Office kung saang lugar nakatayo ang negosyo. Ang aming suki at laging bumi-bingo BPLO-QC sa pangunguna ni Ginoong Gary Domingo. Walang patumpik-tumpik na tiningnan at inalisa ang bawat reklamo na aming inilapit!

Sa tagal na namin sa industriya na-obserbahan rin namin na mas pinaigting pa labanan ang mga kababalaghan o katarantaduhan ng mga business establishments.

Tulad ng lagi ko sinasabi, “hindi kami anti-business”. Sadyang nakakaabot sa amin ang mga pulpol na sistema niyo sa negosyo. Paalala lang, hindi kami naglalantad agad dahil marunong kaming mag-verify ng mga impormasyon o fact checking. Kinukuha rin namin ang pahayag ng kabilang panig.

Kung maayos na makikipagtulungan sa amin ang inirereklamo ay wala tayong problema pero kung kayo ay makikipagmatigasan, tumawag na kayo sa mga santo at kami mismo ang kakastigo sa inyo!

Muli, paaalalahanan ko kayo mga bossing! Walang masama sa paghahangad ng malaki pagdating sa negosyo pero utang na loob siguraduhin niyo rin na wala kayong napeperwisyo at ayusin niyo ang pagpapatakbo dito!

 

Show comments