Lalaki sa Amerika, binasag ang sariling world record matapos kumain ng 74 hotdogs sa loob ng 10 minuto

WALANG nakaporma sa reigning hotdog eating champion na si Joey Chestnut nang ipagtanggol niya ang kanyang titulo noong Hulyo 4 sa Nathan’s Hotdog Eating Contest sa Coney Island, New York.

Napanatili ni Chestnut ang kampeonato sa kanyang mga kamay matapos niyang kainin ang 74 hot dogs sa loob lamang ng 10 minuto.

Sa sobrang bilis ng kanyang naging pagkain sa mga hot dog ay nagawa niya ring basagin ang dating world record na siya mismo ang nagtala noon lamang isang taon nang kainin niya ang 72 hotdogs sa kaparehong oras.

Ito na ang ika-11 na panalo ng 34 anyos na si Chestnut sa loob ng 12 taon.

Pinangunahan naman ni Miki Sudo ang women’s event ng hot dog eating contest sa pamamagitan ng pagkain ng 37 hot dogs sa loob rin ng 10 minuto. Hindi niya nagawang mahigitan ang world record ni Sonya Thomas na 45 hotdogs.

Libo-libo ang nanood sa Nathan’s Hotdog Eating Contest ngayong taon. Isa nang tradisyon sa Coney Island ang taunang kompetisyon na unang idinaos noong 1972.

Show comments