Matandang Tinali (136)

INIHATID ni Dong si Joy sa bus station na patu-ngong Maynila. Nahalata ni Dong na tila problemado si Joy. Hindi naman niya ito matanong kung ano ang problema at biglang luluwas pa-Maynila. Iginagalang niya si Joy.

“Mag-ingat ka Joy!’’

“Salamat Dong. Puwedeng pakitingnan mo ang kubo ko at ang mga tanim. Hindi ko alam kung anong araw ako makakabalik.’’

“Oo Joy. Walang problema. Akong bahala sa kubo. Kung gusto mo, dun ako matutulog para mabantayan.’’

“Nakakahiya naman pero sige. Ikaw na ang bahala, Dong. Kailangan talaga na pumunta ako sa Maynila.’’

“Sige, Joy.’’

“Eto ang number ko Dong in case na gusto mo akong tawagan.’’

Kinuha ni Dong ang number.

“Aalis na ako Dong.’’

“Mag-ingat ka.’’

“Babay Dong.’’

Umakyat na sa bus si Joy.

Inihatid ng tingin ni Dong si Joy nang dahan-dahang lumabas sa station ang bus.

Nag-iisip si Dong. Bakit kaya biglang-biglang lumuwas si Joy? May problema kaya?

Napahinga si Dong. Sana naman walang problema si Joy.

Umuwi na si Dong.

Pero kahit nang nasa bahay na, si Joy ang nasa isip niya.

Kinahapunan, ipinasya niyang magtungo sa kubo ni Joy. Doon siya matutulog.

(Itutuloy)

Show comments