24 hrs. probe sa NAIA ‘TALABA,’ tapos na

WALANG humpay ang ginawang imbestigasyon ng pamunuan ng MIAA at Office for Transportation Security sa NAIA Terminal 3, dahil binigyan sila ng 24 hours probe ng Malacañang matapos makarating dito ang reklamo ng isang lady passenger na tinaniman daw siya ng ‘bala’ ng isalang niya sa initial x-ray machine sa gate 2 ng departure area ng nasabing airport.

Kumalat kasi sa social media ang na-post na reklamo ni Kristine Bumanlag Moran, dahil inakusahan nito ang mga taga - OTS na nataniman siya ng bala sa kanyang bagahe. Pupunta sila ng kasama niya sa Zamboanga City last Friday nang magkaroon ng aberya.

Walang irregularities sa ginawang inspeksyon sa bagahe ng nanggagalaiti sa galit na pasahero ng makitaan ito ng isang 9mm bala na nakasiksik sa harapang bulsa ng kaniyang baggage dahil todo replay sa mga CCTV cameras na nakatutok sa initial x-ray machine sa entrance departure gate ang ginawa ng mga opisyal ng MIAA, OTS kasama ang PNP Aviation Security Group.

Ito ang ginawang report ng mga opisyal sa paliparan na isinumite sa Malacañang the other day.

Noong nagdaang administrasyon, usong-uso ang tanim bala at kinatatakutan ng halos lahat ng departing passengers ang modus na ito.

Sabi nga, marami ang nabiktima ng ‘TALABA’ noon na ikinasira ng imahe ng Philippines my Philippines abroad.

Bakit ?

Sagot - kikilan dito, kikilan doon ang nangyari noon sa mga nataniman ng bala.

Ngayon laos na ang modus na ‘TALABA’. Wala ng hassle, wala ng kikilan !

Nang umupo si Boss Digong, sinabihan niya ang mga kikil boys sa airport na itigil na ang pagtatanim ng bala sa mga pasahero dahil kung mauulit pa aniya ang modus na ito sa panahon niya ay ipapakain niya mismo ang bala sa mga tirador.

Ano ngayon ang nangyari ?

‘Tahimik !’

• • • • • •

 Smuggling sa arrival ng NAIA Terminal 1,2, grabe

Malala na daw ang salyahan ng mga smuggled imported frozen food stuff o ang tinatawag na kain, kain sa  arrival area ng NAIA terminal 1 at 2, pagdating nang hapon at gabi .

Naku ha !

Totoo kaya ito ?

Sinasabing mga tiwaling employees sa Philippine Airlines na nakatalaga sa  Customs arrival area, umano ang nagtutulak at nagsasalida ng mga smuggled frozen food tulad ng kalapati at pekeng duck para makalabas ng walang bayad sa buwis sa airport.

Sakay ang mga epektos ng eroplanong PAL flights PR 319 at 307 from Hongkong.

Napapalusutan dito ang mga taga - animal quarantine dahil isinasalya ito kasabay sa volume nang mga pasahero sakay ng eroplano palabas ng airport kaya hindi ito napapansin sa hindi marunong tumingin ng galawan ng mga tiwaling kamote sa nasabing terminals.

Siguro kailangan mabantayan ng mga taga - animal quarantine at tiktikan ng MIAA Airport Police ang nangyayaring puslitan kapag dumarating ang mga nasabing flights.

Sabi nga, kodakan ang mga tulak boys. Hehehe !

Talamak din ang salyahan kapag dumarating ang mga parokyano ng mga tiwaling taga - PAL, galing Xiamen at Jinjang China.

Ika nga, unahan sa damputan ng mga epektos habang umiikot ang kontrabando sa baggage conveyor.

Sabi nga, kuha dito, kuha doon at patong sa push cart.

Malaking halaga ng buwis ang nawawala sa gobierno sa palusot.

Kasali ba dito ang mga tiwaling taga - Bureau of Customs, siempre imposibleng hindi ?

Abangan.

 

Show comments