Eroplano, nag-emergency landing dahil sa matinding ‘putok’ ng pasahero

ISANG eroplano ng Transavia Airlines na papuntang Spain ang kinailangang mag-emergency landing matapos mahilo at magsuka ang ilan sa mga sakay nito dahil sa matinding body odor (BO) ng isa sa mga pasahero.

Nanggaling mula sa Schiphol Airport sa Amsterdam ang Boeing 737 flight bago nito kinailangang umiba ng ruta dahil hindi makatiis ang mga pasahero sa naaamoy nilang baho mula sa isang lalaking ilang linggo na yatang hindi naliligo.

Hindi raw kinaya ng mga pasahero ang amoy ng lalaki kaya ang iba ay nahilo at nasuka sa gitna ng flight, ayon kay Piet Van Haut na isa sa sakay ng eroplano.

Tinangka ng mga flight attendant na i-quarantine ang lalaki sa banyo ng eroplano ngunit nagpasya na rin ang mga piloto na pansamantala na lang lumapag sa Faro, Portugal at alisin na mula sa eroplano ang napakabahong lalaki.

Nakunan pa ng litrato ng isa sa mga pasahero ang pag-escort ng mga awtoridad sa lalaki papunta sa isang bus na nasa tarmac.

Ayon sa mga tagapagsalita ng airlines ay “medical reasons” ang dahilan kung bakit kinailangang mag-emergency landing ng eroplano. Hindi naman idinetalye ng mga tagapagsalita kung ang “medical reasons” ay tumutukoy sa kondisyon ng mabahong lalaki o sa mga nagkandahilo at nagkandasukang mga pasahero.

Show comments