Lalaki sa Wisconsin, nag-marathon habang may karga-kargang 100 pounds na pabigat

NAKAPAGTALA ng bagong world record ang isang lalaki sa Wisconsin matapos niyang takbuhin ang isang buong marathon habang may karga-kargang 100 pounds na extrang pabigat.

May suot-suot na bag na may bigat na 100 pounds si William Kocken nang tapusin niya ang Greenbay Cellcom Marathon sa loob ng 6 na oras at 27 minuto.

Mas mabilis ng 20 minuto ang oras ni Kocken kaysa sa dating world record na naitala noong isang taon sa London Marathon.

Hindi naging madali ang naging pagsasanay ni Kocken, na inabot ng 17 buwan.

Ayaw na raw niyang ulitin ang hirap na kanyang pinagdaanan kaya naging determinado siyang maitala ang bagong world record sa isang subok lang.

Ngayong nagtagumpay na siya ay wala raw munang balak si Kocken na sumabak sa mga marathon ngunit bukas naman siya sa pagtatala ng iba pang mga world record.

Show comments