2.4-M na sanggol nailigtas salamat sa lalaking nagdo-donate ng dugo linggu-linggo sa loob ng 60 taon

BINANSAGANG “the man with the golden arm” ang Australyanong si James Harrison matapos niyang mailigtas ang buhay ng tinatayang 2.4 milyong sanggol sa loob ng 60 taon.

Kahit kasi takot siyang makakita ng dugo ay linggu-linggo siyang nagdo-donate nito simula noong siya ay 18 taong gulang pa lamang.

Madalas ang pagbibigay ni Harrison ng dugo dahil sa nagtataglay ang kanyang plasma ng lunas sa isang pambihirang karamdaman.

Bago kasi nadiskubre ang kakaibang dugo ni Harrison noong 1967 ay libu-libong mga sanggol na nasa sinapupunan pa lamang ang namamatay dahil sa Rhesus Disease na isang sakit kung saan inaatake ng katawan ng ina ang sanggol dahil sa dugo nito.

Nadiskubre ng mga doktor ang pangontra sa Rhesus Disease matapos nilang suriin ang dugo ni Harrison nang minsan siyang nag-donate ng dugo noong siya ay 18 anyos pa lamang.

Nakipagtulungan si Harrison sa mga doktor noong 1960s hanggang sa nakapagdebelop ng bakuna na lunas sa Rhesus Disease.

Simula noon, higit isanlibong beses na nagbibigay ng kanyang dugo si Harrison kaya naman naging matagumpay ang pagpuksa ng nasabing sakit sa Australia.

Ngayong 2018, 81-anyos na si Harrison at dahil sa kanyang edad, hindi na siya maaring mag-donate ng dugo.

Umaasa naman si Harrison na makakahanap muli ang mga doktor ng iba pang mga indibidwal na may mga dugong nagtataglay rin ng lunas sa Rhesus Disease.

Show comments